Hindi lang kinagigiliwan dahil sa mga mapanonood na trending videos at nakaiindak na dance challenge, ginagamit na rin ngayon ang TikTok para pagkakitaan. Ang ilang content creator, kumikita nang malaki sa tulong ng app.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ipinakilala ang isa sa mga TikTok superstar na si Jomar Yee, na nakapagpatayo na ng isang Bali-inspired resort sa Indang, Cavite.

Ang kaniyang pinuhunan dito, hindi lang katas ng kaniyang pagiging content creator kundi ng kaniya ring pagiging TikTok affiliate, o mga personalidad na kumikita sa pagre-review at pagbebenta ng produkto.

Aminado si Yee na hindi ito madali, dahil kung anu-anong step-by-step gimmick ang kaniyang ginawa sa content para mas dumami pa ang mahikayat niyang bumili ng mga produktong kaniyang iniendorso.

Matatandaang kinagiliwan si Yee nang pinaghahampas, pinagsusuntok, at inapakan niya ang mga maletang kaniyang ibinibenta.

Ngunit isa sa pinaka-pumatok niyang produkto ang payong na umabot sa 200,000 na piraso ang kaniyang naibenta.

Dahil dito, nakapag-ipon si Yee at naipatayo ang pinapangarap niyang resort nitong nakaraang taon.

Samantala, ang 26 anyos naman na si Sharlotte Marquez mula Marikina, nabaon muna sa utang na inabot ng milyon piso.

“2022, nag-start po ako ng business po, RTW. Nagkaroon po ako ng supplier. Sa simula, nagbibigay siya ng mga items. Magbabayad muna ako and then sa kaniya ibibigay sa akin ‘yung stock. ‘Yung mga reseller ko, ‘yung payment nila sa akin, binabayad ko din sa kaniya. But sadly, siguro naka-five transaction kami and then naglaho na siya,” sabi ni Marquez.

Nagdoble kayod si Marquez upang makabawi at nakita ang mga kumikita sa TikTok.

Dahil isang proud mom, itinitinda niya rin ang mga pangangailangan ng kaniyang baby gaya ng diaper, wet wipes, at tissue.

“Kapag may mga time ako, kunwari, tulog na yung mga bata, that's the time naman na gumagawa na ako ng content,” ani Marquez.

Hanggang sa hindi namalayan ni Marquez na kumikita na pala siya ng lima hanggang anim na digits kada buwan, o nasa P16,000 kada araw.

Hanggang sa unti-unti na siyang nakabangon sa utang at naibalik ang pera sa mga reseller at nailibre pa ang kaniyang mga magulang.

Pero paalala ni Yee, hindi rin madali ang kaniyang ginawa dahil kailangang maglaan ng oras at effort.

“Hindi porket ‘yun ‘yung na-achieve ng isang TikTok affiliate, ganon din ‘yung ma-achieve mo kasi iba-iba po tayo. At the same time, hindi ka aasa lang sa commission sa TikTok. Mas maganda pa rin na meron tayong stable job or ibang pinagkakakitaan like business,” sabi naman ni Marquez.

Papaano nga ba magiging isang TikTok affiliate? Panoorin ang buong kuwento sa video.-- FRJ, GMA Integrated News