Nasawi ang isang call center agent matapos salpukin ng kotse sa Quirino Highway sa Novaliches, Quezon City pasado alas dos ng madaling araw noong Martes.

Sa CCTV footage ng Barangay Bagbag, kita na patawid sa pedestrian lane ang 29-anyos na biktimang si Den Adrian John Viaje.

Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang biktima at tumama pa sa concrete barrier.

Isinugod siya sa ospital pero binawian ito ng buhay.

Ang kotse naman ay tumakas na parang walang nangyari.

Kuwento ng kapatid, pauwi na noon galing sa trabaho ang biktima.

Ang pinangyarihan ng insidente ay ilang metro na lang ang layo sa kanyang bahay.

“Bukod po sa biglaan po yung pangyayari eh talagang mahirap po tanggapin kasi may mga naiwan po siyang maliliit na anak po tapos siya lang din naman nagtataguyod sa pamilya,” ani Abigael Viaje, kapatid ng biktima.

Masusing iniimbestigahan ng QCPD Traffic Sector 2 ang insidente para matukoy ang pagkakakilanlan ng driver ng kotse.

Nananawagan naman ang mga kaanak ng biktima sa driver na sumuko na.

“Gusto po talaga namin ay managot siya kasi hindi naman po tama na nakasakit ka na nga ng kapwa tapos magtatago ka na parang walang nangyari so kailangan po mabigyan ng hustisya yung kapatid namin,” dagdag ni Abigael Viaje. — BAP, GMA Integrated News