Kung hindi sa pagiging maagap ng ina, tiyak na matinding kapahamakan ang sinapit ng kaniyang 12-anyos na anak na babae na muntik nang mahulog mula sa isang gusali sa China.
Sa video ng GMA News Feed, sinabing nangyari ang nahuli-cam na insidente sa isang gusali sa Yueyang City sa lalawigan ng Hunan sa China.
Makikita ang dalagita na pagewang-gewang ang paglalakad habang sinusundan ng ina sa corridor ng gusali.
Hanggang sa mapunta ang dalagita sa gilid ng gusali, nawalan ng balanse at muntikang mahulog.
Mabuti na lang at naging maagap ang kaniyang ina. Nahawakan nito ang isang binti ng anak na dahilan para hindi tuluyang malaglag ang babae.
Humingi ng tulong ang ginang upang maiakyat ang anak sa nakakatiwarik sa gilid ng gusali.
Pero nanatiling tila tulala ang dalagita habang inaalalayan pabalik sa loob ng gusali.
Sa nagdaang mga taon, ilang bata rin ang nahulog mula sa mga gusali sa iba't ibang lugar sa China.
Ang ilan sa kanila, mga bata na nahulog mula sa balkonahe at mapalad na nakaliligtas dahil nasasalo sila ng mga tao sa iba.
Ang mga eksperto ng MyHealth sa Alberta, Canada, nagbigay ng payo kung papaano maiiwasan ang mga ganitong uri ng sakuna. Panoorin ang video.
--FRJ, GMA News