Matapos maitampok sa "Kapuso Mo, Jessica Soho" ang kalbaryo ng isang 12-anyos na nene sa Palawan na biglang lumaki nang sobra ang dibdib matapos datnan ng "dalaw," isa namang 10-taong-gulang na babae sa Laguna, ang nahaharap din sa katulad na problema.
Sa episode ng "KMJS" noong nakaraang Hunyo, ipinakilala ang 12-anyos na Yumi, na mula sa Puerto Princesa, na nakararanas ng kondisyon na "juvenile gigantomastia," o ang sobrang paglaki ng dibdib.
Dahil sa paglaki ng kaniyang dibdib, naapektuhan ang kamusmusan ni Yumi, na bukod sa nahihiya nang makipaglaro ay nahihirapan din sa bigat ng kaniyang dibdib.
Mula nang maitampok ang kaniyang kuwento, sinabi ni Yumi sa episode nitong Linggo na nakatanggap siya ng mga magandang komento na nagpapalakas ng kaniyang loob at unti-unti na rin bumabalik ang tiwala niya sa sarili.
“Tumaas po ‘yung confidence ko. Marami pong nagchi-cheer sa akin. Marami nang nakakaintindi sa kondisyon ko,” kuwento niya.
Nakipag-ugnayan din sa kaniya ang Philippine General Hospital upang tumulong sa operasyon ni Yumi para maalis ang mabigat niyang problema.
Matapos ang online consultation, itinakda ang pagluwas ni Yumi sa Maynila para sa isasagawang mga laboratory tests bilang paghahanda sa operasyon upang alisin o bawasan ang kaniyang dibdib.
Bagaman itinuturing bihira ang "juvenile gigantomastia," lumitaw na mayroon ding 10-anyos na babae sa Laguna na may katulad na sitwasyon ni Yumi--si Cluey.
“Minsan po masakit po ’yung ulo ko, pati po likod ko. Natakot po ako kasi po biglang lumalaki. ’Pag matagal po akong nakaupo nang straight, nangangalay ako dahil po sa bigat ng dibdib,” paliwanag ng bata.
Tulad ni Yumi, hirap din na makahanap si Cluey na magagamit bilang bra. Nanghihiram din siya ng malalaking damit sa kaniyang ama at ate.
Hindi na rin nakapaglalaro si Cluey dahil sa kaniyang kalagayan.
“Mabilis na po akong mapagod ngayon kasi po sa laki po ng dibdib ko, nabibigatan po ako. Malungkot po ako kasi hindi ko po sila nakakalaro,” kuwento ng bata.
Ayon sa endocrinologist, mayroon ding juvenile gigantomastia si Cluey, at tanging operasyon lang ang paraan upang matulungan ang bata.
Pero dahil sa parehong security guard lang ang kaniyang mga magulang, hindi nila kakayanin ang gastusin sa operasyon.
Ang magandang balita, nagkaroon ng ugnayan ang mga ina nina Yumi at Cluey.
Nagsilbing ate rin si Yumi kay Cluey para mabigay ng payo at lakas ng loob.
Nangako rin ang PGH na susubaybayan din ang kalagayan ni Cluey at maglalaan ng suporta na kakailanganin ng bata.-– FRJ, GMA News