Nakilala bilang si "Bale" sa fantasy series na “Okay Ka, Fairy Ko," tahimik na naninirahan ngayon at nagtatrabaho bilang security personnel sa San Francisco, California si Jingky Oda.
Sa YouTube video na kasama sina Rufa Mae Quinto at LJ Moreno, ikinuwento ni Jingky kung papaano siya nakarating sa US at bakit niya piniling doon na manirahan.
Ayon sa komedyante, mag-aapat na taon pa lang siya sa Amerika at ang kaniyang anak ang dahilan kaya siya ngayon naninirahan doon.
"Yung anak ko tinanong niya ko sabi niya, 'Mom, how do see yourself in the US?' Siyempre napaisip ako kasi that time meron pa kong sitcom," kuwento niya.
Pero pababalik-balik na raw si Jingky noon sa Amerika dahil doon niya isinilang ang kaniyang anak pero sa Pilipinas ito lumaki.
Nanirahan lang sa Amerika ang kaniyang anak nang maging 16-anyos na ito, kasama ang kaniyang kapatid.
"Sa totoo lang hindi ko maisip ang sarili ko sa Amerika. Not until this moment na I think I have to put in mind na ito na 'yon," paliwanag niya.
Hindi raw naging madali ang culture shock sa simula at kailangan niyang mag-adapt o pakibagayan ang kultura ng mga Amerikano.
"Nagtiis ako ng mga isang taon. Walang tao, walang kausap," natatawa niyang kuwento.
Ang pagiging on-call caregiver daw ang naging unang trabaho ni Jingky sa Amerika para sa isang nakatatanda.
Kinalaunan, nagtrabaho siya sa caregiver facility bilang activity director.
“Yung pagiging komedyante ko, pinatawa ko nang pinatawa yung mga matatanda," patuloy niya.
Hanggang umalis siya sa facility at nagpatuloy siya sa “one-on-one” caregiver hanggang sa may makilala siyang security guard.
“Siya yung nagpasok sa akin sa security office field,” sabi ni Jingky.
Written at karamihan daw ay sa video lang ang kaniyang naging training hanggang sa makakuha na siya ng lisensiya.
Hindi rin naman daw siya nagdadala ng baril sa kaniyang trabaho.
Ayon kay Jinky, ipinagdasal niya na magkaroon siya ng trabaho na hindi masyadong stressful at nagpapasalamat siya na nakamit niya ito.
Kung uuwi siya sa Pilipinas, sinabi ni Jingky na gagawin niya ito para bumisita na lang sa mga kaibigan.
“Dito na 'ko talaga. Nandito yung anak ko and everything, maganda yung trabaho, eto na yung magiging buhay ko na. So kailangan ko nang i-accept,” paliwanag niya.— FRJ, GMA News