Hindi madali ang magpakabuti. Ngunit mas madali ang mamuhay sa kasalanan (Mateo 7:13-14)
"Hindi lahat ng tumatawag sa Akin ng Panginoon ay makapapasok sa Kaharian ng Langit. Kundi iyon lamang mga taong sumusunod sa kalooban ng Aking Ama na nasa Langit". (Mateo 7:21)
Ipinapaalala sa atin ng Talatang ito mula sa Aklat ni San Mateo na hindi porke't tayo ay laging tumatawag sa pangalan ng ating Panginoon sa pamamagitan ng pananalangin, pagbabasa ng Bibliya at pagsisimba ay nakatitiyak na tayong makakapasok sa Kaharian ng Diyos sa Langit.
Inaaanyayahan tayo ng Panginoon sa Mabuting Balita (Mateo 7:13-14) na pumasok sa makipot na daanan na naglalarawan sa Kaharian ng Diyos. (Mateo 7:13)
Samantalang winika din ni Hesus na maluwang at malapad ang daang patungo sa kapahamakan na siyang dinaraanan ng maraming tao na naglalarawan sa Impiyerno.
Kung nais nating tahakin ang makipot na daan, wala tayong ibang maaaring gawin kundi ang isuko ang ating buhay sa kamay ng ating Panginoong Diyos.
Kailangan natin sundin ang Kaniyang mga utos at magsimula tayo ng isang buhay na matuwid o isang buhay na naaayon sa kalooban ng ating Panginoon.
Hindi madali ang mamuhay sa kabanalan o isang pamumuhay na maka-Diyos. Dahil sa mga pagsubok at tukso sa ating pang-araw araw na buhay.
Marami ang natutukso dahil ang kasalanan ay nasa anyong maganda; nagbabalatkayong masarap, upang maakit tayong mga tao; mga taong mahina at marupok ang pananalig sa Diyos.
Napakahirap magpakabuti. Ang pagtahak sa daang matuwid ay mistulang pagtulay sa alambre. Sa isang pagkakamali at maagawan ng tukso ang ating pansin ay mahuhulog na tayo sa kasalanan.
Madali ang gumawa ng kasalanan kaya sinasabi sa atin ni Hesus na maluwang at malapad ang daan patungo sa kapahamakan. Subalit ano kaya ang kahahantungan ng isang makasalanan? May ibubunga kayang kabutihan ang pamumuhay natin sa kasamaan?
Laging pakatandaan na nasa huli ang pagsisisi. Sa sandaling tayo'y pumanaw, doon na natin kakaharapin ang bunga ng ginawa nating pamumuhay sa ibabaw mundo.
Ikaw ba'y nagpakasarap sa buhay na makasalanan pero sa impiyerno ang hantungan ng kaluluwa? Ang sinikap mong magpakabuti kahit mahirap alinsunod sa aral ni HesuKristo upang makapiling Siya sa buhay na walang hanggan sa Kaharian sa Langit?
Pinapaalaala sa atin ng Ebanghelyo na sikapin at tiisin ang makipot na daan. Lagi nating hingin ang tulong ng ating Panginoon upang mailayo tayo sa mga pagsubok at tukso.
Manalangin Tayo: Panginoong Hesus, gabayan Niyo po nawa kami upang makaiwas kami sa kasalanan dahil hangad namin na makapasok kami sa Inyong Kaharian sa Langit. AMEN
--FRJ, GMA News