Mas malinaw na ngayon ang naging tugon ni Davao City Mayor Sara Duterte sa tanong kung bukas ba siya sa posibilidad na tumakbong pangulo sa Eleksyon 2022. Nangyari ito ilang araw lang matapos sabihin ng kaniyang ama na si Pangulong Rodrigo Duterte na ikinukonsidera naman na tumakbong bise presidente.
Sa pagbisita ni Mayor Sara sa Cebu, tinanong ang alkalde kung bukas ba siyang tumakbo sa pinakamataas na posisyon sa bansa sa May 2022 elections.
"Opo," ang sagot ng alkalde.
“Ang importante sa ngayon ay malaman namin kung ano ang sentimyento ng mga tao at ano ang gusto ng mga tao,” sabi ni Mayor Sara sa Cebuano na mapapanood sa video ng Sunstar Cebu.
Sa mga nakalipas na buwan, sinasabi ng alkalde na huwag siyang isama sa mga personalidad na ikinukonsiderang maging kandidato sa panguluhan.
Sakabila ito ng pagkilos ng ilang grupo na hikayatin siyang tumakbong pangulo ng bansa, bilang pinuno ng regional group na Hugpong ng Pagbabago.
Kamakailan lang, sinabi naman ng kaniyang ama na si Pres. Duterte na ikinukonsidera niyang tumakbong bise presidente upang hindi siya maging "lame duck" president.
Sa Cebu, nakipagpulong si Mayor Sara kay Governor Gwen Garcia at kabilang sa mga pinag-usapan nila ang mga proyekto sa lalawigan.
Nang tanungin kung may pinag-usapan tungkol sa eleksiyon, sabi ng alkalde, "Wala pa. Pero nagpaalam din ako kay Gov. kung puwede ba kami bumalik dito sa Cebu to talk to the Cebuanos. It’s important for us sa HNP to talk to a lot of people. Pumayag naman si gov.”
Nagpasalamat din ang alkalde sa suporta ng mga Cebuano na makikita sa “Run, Sara, Run” tarpaulins sa lugar.
“Nagpapasalamat ako sa mga aking supporters dito sa Cebu sa kanilang trust and confidence sa akin and that is one of the reasons kaya kami nandito because we want to ask the people kung ano ba talaga ang gusto nila,” anang alkalde.—FRJ, GMA News