Inihayag ni Willie Revillame na may mabigat na desisyon siyang gagawin na kaniyang ipinagdarasal, at ipinahiwatig na may kaugnayan ito sa pagho-host niya sa "Wowowin-Tutok To Win."
"Sa tamang panahon sasabihin ko ho 'yung magiging desisyon ko, at sasabihin ko dito sa programang ito," saad ni Kuya Wil.
"Mawala man ako, gusto ko meron pa ring isang host na makakausap niyo. Kung sakali hong ang maging desisyon ko sa buhay ko ay mabigat, ipagdadasal ko itong mabuti, pag-iisipan ko itong mabuti," dagdag pa ng tv host.
Sinabi ni Kuya Wil na dapat magtuloy-tuloy at hindi dapat mawala ang programa kahit iba na ang host dahil sa dami ng natutulungan nito.
"Itong programang ito dapat ho ay laging nandiyan, mawala man ako sa mundo, sana meron pa ring Wowowin," saad niya.
Gayunman, sinabi niyang may mga pagkakataon na maaaring mag-iba ang direksyon niya sa buhay.
"Siyempre dumarating ang time sa buhay mo na dapat kang magdesisyon, sa tamang panahon, sa tamang oras ho sasabihin ko kung ano ang magiging desisyon ko sa buhay. Iniisip ko lahat," sabi ni Kuya Wil.
Tiniyak naman ni Kuya Wil na ang viewers ang unang makakaalam tungkol sa kaniyang magiging desisyon.
"Sa bawat nakakasama ko sa industriyang ito, bago ako magdesisyon sa buhay ko kayo ang makakaalam, walang iba. Dito sa programang ito malalaman niyo ho kung ano ang desisyon ko. Abangan niyo po 'yan, pero wala pang desisyon," patuloy niya.
Hindi binanggit ni Willie kung ano ang kailangan niyang pagdesisyonan pero dati nang hinihikayat ni Pangulong Rodrigo Duterte ang TV host na sumabak bilang senador sa Eleksyon 2022.
Gayunman, inilahad din ni Willie ang isyu sa kalusugan partikular sa pagkawala ng boses niya na importante para sa katulad niyang TV host.
"Sa totoo lang ho kanina wala akong boses. Talagang totally wala paggising ko. Kaya hindi ako nagsasalita. Dito lang ako nagsalita, pagpasok ko, thank you Lord, may boses ulit ako," kuwento niya.--FRJ, GMA News