Isang ama ang buhat-buhat ang kaniyang anak na isang-buwang-gulang lang habang naglalako ng gulay sa Quezon City sa ilalim ng araw at may COVID-19 pandemic.
Sa video ng "On Record" ng Public Affairs Exclusives, ipinaliwanag ni King Bryan Gallardo na isinasama niya ang anak sa paglalako ng gulay sa kanilang barangay para patuloy niya maalagaan.
May dalang stroller si Gallardo pero mga itinitindang gulay ang sakay sa halip na ang kaniyang anak.
"Awang-awa po talaga ako sa baby," sabi ni Cristina Birao, kumuha ng litrato ni Gallardo.
Alam naman daw ng ama na lubhang peligroso na isama ang kaniyang sanggol sa labas ng bahay.
Pero paliwanag ni Gallardo, walang ibang magbabantay sa kaniyang anak noong mismong araw na iyon.
"Sino bang gugustuhin na ibilad ang anak sa araw? At saka hindi ko po ginagamit 'yung anak ko para lamang makabenta ng marami," sabi ni Gallardo.
Idinagdag niya na may pinuntahan lang ang misis niyang si Joan Mohamad nang araw na iyon kasama ang panganay nilang anak.
Sinabi naman ng ina ng sanggol na hindi niya kailanman pababayaan ang anak.
"Mahal ko ang anak ko, mas mahal ko pa sa asawa ko," sabi ni Mohamad.
Bumuhos ang tulong sa pamilya nina Gallardo, para maiwasan kahit paano na isama ang anak sa paglalako ng mga gulay.
Pinayuhan sila ng QC Task Force Disiplina na huwag na itong ulitin ni Gallardo. --FRJ, GMA News