Papayagan na ng pamahalaan na lumabas para ilang aktibidad ang mga batang limang-taong-gulang pataas na nasa piling mga lugar. Gayunman, bawal pa rin sila sa loob ng mall.

Nitong Biyernes, sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque na ipatutupad ang naturang bagong patakaran tungkol sa mga bata na nasa general community quarantine (GCQ) at modified general community quarantine (MGCQ).

Hindi kasama sa bagong patakaran ang mga batang nasa GCQ "with heightened restrictions," tulad ng Laguna at Cavite.

Ayon kay Roque, basta may kasamang nakatatanda, ang bata ay puwede nang magpunta sa mga sumusunod na lugar:

-beach
-park
-playground
-outdoor tourism areas at
-biking and hiking trails

Puwede na rin sa sila sa mga outdoor non-contact sports at kumain sa "alfresco dining" establishments o nasa labas ng kainan ang puwesto.

Hindi pa rin puwede ang mga bata sa mga mall, at mananatiling 15-anyos pataas lang ang papayagan.

Pinapayagan din ng pamahalaan ang local government units (LGUs) na taasan ang age restriction ng mga bata batay sa sitwasyon ng COVID-19 pandemic sa kanilang lugar.  —FRJ, GMA News