Nahuli-cam ang ginawang pagmumura at pananakit ng driver ng kotse sa isang motorcycle food delivery rider matapos na magkainitan sila daan sa Sampaloc, Manila.
Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, makikita sa CCTV footage na naagaw ng kotse ang linya ng paparating na rider nang magnaniobra siya nang paatras.
Kahit hindi pa ganap na nakapagmamaniobra ang motorista, dumiskarte ang rider sa gitna ng daan upang maunahan ang kotse, at doon na raw nagsimula ang away ng dalawa.
Hinabol ng motorista ang rider at nang abutan ay nangyari na ang murahan at pananakit.
Ayon sa rider na humiling na huwag banggitin ang kaniyang pangalan, apat na araw na ang nakalilipas nang mangyari ang insidente dakong 3 a.m.
"Aatras po siya. Ngayon bumisina ako para magbigay ng babala kasi kami yung nasa tamang daanan. Ngunit, pinili niya pa rin umatras ang sasakyan. Expression ko po, dahil muntikan na abutin yung likuran ng sasakyan, ang nasabi ko 'ang galing muntik na,'" kuwento ng rider.
Ayon kay Rolando Ablaya, chairman ng Barangay 523 Zone 52, ipinatawag na niya ang magkabilang panig para maresolba ang gusot.
"As of 8:30 p.m., last night, hindi dumating yung respondent kasi ang sabi nung mother and brother in law natatakot daw," ani Ablaya.
Nagbabala ang punong barangay na posibleng lumaki ang problema ng driver kung patuloy na hindi sisipot sa pulong.
Kahit humingi ng paumanhin ang kaanak ng driver, desidido ang rider na ituloy ang reklamo.
"Humihingi naman sila ng paumanhin pero yung tao na 'yun [driver] 'di talaga sumisipot... Itutuloy ko pa rin po ang kaso ko," deklara niya.
Dumulog na rin ang rider sa Manila Police District's Special Reaction Team, at iniutos ni Manila Mayor Isko Moreno na imbestigahan ang nangyari.
Samantala, hindi pa rin nagbibigay ng pahayag ang driver ng kotse na inireklamo ng pananakit. —FRJ, GMA News