Nagsimula lamang sa tila butlig sa ilong pero sa paglipas ng panahon ay naging isang malaking bukol na sa mukha ang Rhabdomyosarcoma. Ano nga ba ang cancer na ito na nagpapahirap hindi lamang sa mga bata kundi pati sa mga may edad na?
Sa programang "Pinoy MD," itinampok ang kondisyon ng tatlong-taong-gulang na si Gabriel Ganaganag, na sa murang edad ay pinapasan na ang hirap sa pakikipaglaban sa Rhabdomyosarcoma.
Nagsimula lang daw sa tila butil ng bigas ang butlig sa ilong ni Gabriel noong 2019, hanggang sa naging malaking bukol na ito sa kaniyang mukha ngayong 2021.
"Maliit lang po 'yung tumor sa ilong niya sa left side, nandiyan po sa loob ng ilong niya, isang piraso lang 'yung bukol niya. Lagi po siyang iiyak, every gabi wala po kaming tulog, lagi po siyang magsusuka ng dugo, 'yung lagnat, nagkokombulsiyon siya," kuwento ni Jasper Ganaganag, ama ni Gabriel.
"'Yung una grabe ang laki po, saka may lumalabas pa pong mga bacteria. Nagtutubig ang mga nana tapos ang baho. 'Yung una po, napakasakit po, madugo po 'yung baba niya," dagdag ng ama ni Gabriel.
Dahil sa kaniyang karamdaman, nawala na ang sigla ni Gabriel, naapektuhan ang kaniyang paningin at halos hindi na siya nakapagsasalita.
Sinabi ni Dr. Rachel Rosario, Executive Secretary ng Philippine Cancer Society, ang Rhabdomyosarcoma ay isang uri ng cancer na apektado ang muscle tissues ng katawan, at madalas na mata ang tinatamaan ng mga ito.
Hindi pa matukoy ang eksaktong dahilan ng Rhabdomyosarcoma, pero may kaugnayan ito sa mga pagbabago sa DNA ng cells.
Sa mga bata, maaari itong konektado sa mga sakit sa pamilya, tulad ng genetic predesposition.
Tinatayang apat sa bawat 1,000,000 bata lamang ang nagkaka-Rhabdomyosarcoma, ayon sa National Cancer Institute.
Pati ang mga edad ay maaaring magkaroon ng Rhabdomyosarcoma, tulad na lamang ng 30-anyos na si Annalyn na umabot hanggang stage 4.
Nawala ang malaking tumor sa mukha ni Annalyn matapos ang anim na high-dose chemotherapy. Pero sa kasamaang palad, nagkaroon siya ng respiratory failure at binawian siya ng buhay nitong Hunyo habang naghihintay na maoperahan.
Tanghayan sa video ng "Pinoy MD" ang buong pagtalakay sa naturang karamdaman.
--FRJ, GMA News