"Subalit kung ipinapahayag natin sa Diyos ang ating mga kasalanan. Maaasahan nating patatawarin tayo ng Diyos sa ating pagkakasala. At lilinisin tayo sa lahat ng ating kasalanan. Sapagkat si HesuKristo ay tapat at matuwid." (1 Juan 1:9)

Winika ni Pauline Philips na: "Ang simbahan ay ospital para sa mga makasalanan, at hindi museo para sa mga banal o santo."

Kung kaya't ganun na lamang ang pagsisikap, hindi lamang ng Simbahang Katoliko kundi maging ang iba't-ibang sektang pang-relihiyon na sagipin ang mga taong naliligaw ng landas upang hindi mapahamak ang kanilang kaluluwa sa impiyerno.

Sa Mabuting Balita (Mateo 9:9-13), mababasa natin na tinawag ni Hesus ang maniningil ng buwis na si Mateo nang Niya itong nakaupo sa tanggapan ng buwis.

Pinaunlakan naman ni Mateo ang paanyaya ni Hesus nang sabihin sa kaniya nito na: "Sumunod ka sa akin." At kagad siyang tumayo at sumunod kay Kristo. (Mateo 9:9)

Iniwan ni Mateo ang karangyaan ng kaniyang buhay bilang maniningil ng buwis upang sumunod kay Hesus.

Noong panahong iyon, pinapatungan pa ng mga maniningil ng buwis ang buwis na sinisingil nila sa mga Judio na sariling bulsa nila napupunta.

Ngunit tinalikuran ni Mateo ang karangyaan at maging ang tiwaling pamumuhay nang piliin niyang sumunod sa ating Panginoon.

Pinili ni Mateo na isuko kay Hesus ang kaniyang buhay.

Nais ituro ng Ebanghelyo na tanging kay HesuKristo lamang natin matatagpuan ang tunay na kaligayahan kung isusuko din natin ang ating sarili sa Kaniya.

Sa kabila ng karangyaan at mga salapi ni Mateo bilang isang maniningil ng buwis, marami ang mag-iisip na dapat ay masaya na siya sa kaniyang buhay.

Subalit sa kaagad niyang pagtugon sa paanyaya ni Hesus, makikita natin na wala sa kayamanan at salapi ang tunay na kaligayahan.

Anong silbi ng yaman kung namumuhay ka naman sa kasalanan? Paano magiging masaya ang isang tao na binabagabag ng konsensiya?

Nang makita ni Hesus si Mateo sa tanggapan nito, hindi sinabi sa kaniya ni Kristo na makasalanan siya. Sa halip ay tinawag siya ni Hesus sa kabila ng kaniyang pagiging makasalanan at mga kahinaan.

Ang ating Pagbasa ay isang pagsusuri sa ating mga sarili. Kaya rin ba natin iwan ang makasalanang pamumuhay upang sumunod sa ating Panginoon?

Subukan natin tanungin ang ating mga sarili. Ano ba ang tunay na nagpapaligaya sa atin? Masaganang buhay na may kurot ng pag-usig ng konsensiya dahil alam mong may kasalanan kang nagagawa, o simpleng buhay sa piling ng Panginoong Diyos?

Alalahanin natin na ang kaligayahang hatid ng kayamanan sa mundo ay mayroong hangganan. Subalit ang kaligayahang ibinibigay ng Diyos ay walang katapusan.

Manalangin Tayo: Panginoon, nawa'y matutunan din namin ang tumalikod sa makasalanang buhay para sumunod sa Iyo gaya ng ginawa ni Mateo. AMEN.
 

--FRJ, GMA News