Huwag nating hayaang manamlay ang ating pananalig sa Diyos (Mateo 9:18-26).
"Panginoon, sa Iyo ko inilagak ang pag-asa. Maliit pang bata ako, sa Iyo'y mayroon na akong tiwala. Wala akong inasahang sa akin ay mag-iingat, kundi tanging Ikaw lamang. Kaya naman Ikaw, Yahweh ay dapat purihin araw-araw". (Awit 71:5-6).
Itinuturo sa atin ng Talata na mula sa Aklat ng Awit (Psalm), na pagpapalain ng Panginoong Diyos ang mga taong nagtitiwala sa Kaniya.
Ito ay pagsusumamo ng isang taong nahaharap sa mabigat na pagsubok sa kaniyang buhay. Ngunit patuloy siyang lumalaban sa hirap ng buhay at hindi nawawalan ng pag-asa.
Bagkos ay nagtitiwala siya sa Panginoon. Dahil batid niyang hindi siya pababayan ng Diyos.
Idulog natin sa Diyos ang ating mga suliranin at magtiwala sa Kaniyang kapangyarihan dahil ang taong may matibay na pananampalataya sa Panginoon ay hindi kailanman mapapahiya at malulupig.
"Sa Iyo Panginoon, lubos akong nananalig. Huwag Mo akong pabayaang mapahiya at malupig". (Awit 71:2)
Mababasa natin sa Mabuting Balita (Mateo 9:18-26) na lumapit at lumuhod sa harapan ni Hesus ang isang pinuno ng mga Judio dahil kamamatay pa lamang ng kaniyang anak na babae. (Mateo 9:18)
Kapag ang isang tao ay namatay na, mayroon pa kayang pag-asa na siya ay muling mabuhay?
Namatay man ang anak na babae ng pinuno ng Judio, subalit hindi namatay ang kaniyang pananalig kay HesuKristo.
Malakas ang kaniyang pananalig na hindi ang "kamatayan" ang magpapahinto sa kaniyang pananampalataya kay Kristo at hindi ang "kamatayan" ang pupuksa sa kaniyang pag-asa, sa paniniwalang walang imposible sa Diyos.
Dahil diyan, nabuhay ang anak na babae ng nasabing pinuno. (Mateo 9:25).
Sapagkat tanging sa Panginoon Diyos kumapit ang pinuno ng mga Judio sa panahong siya ay binabayo ng matinding unos sa kaniyang buhay.
Ganun din ang nangyari sa babaeng dinudugo ng 12 taon. Hindi rin siya nawalan ng pag-asa at hindi kailanman napagod sa paghihintay hanggang sa dumating ang sandali na kaniyang pinakahihintay upang tuluyang gumaling sa kaniyang karamdaman. (Mateo 9:22)
Sa ating buhay, minsan ang tingin natin sa ating pananampalataya ay "last resort" na o huling baraha.
Kaya lumalapit tayo sa Panginoong Diyos kapag wala na talaga tayong ibang matatakbuhan pa, at wiwikain na, "Panginoon, Kayo na po ang bahala."
Pero kung tutuusin, dapat sa Kaniya tayo unang dumulog bago pa man sa iba. Dahil ang Diyos ang siyang gagawa ng paraan upang malutas ang problemang ating kinakaharap.
Magkagayunpaman, kahit pa huling naiiisip natin ang Panginoon na lapitan, nandiyan pa rin Siya palagi.
Ngunit kung hindi man Niya ibigay kung ano man ang ating sadyang hinihiling, hindi ibig sabihin ay hindi na Niya tayo mahal. Sa halip ay mayroon Siyang ibang plano para sa atin na higit na karapat-dapat.
Manalangin Tayo: Panginoon tulungan mo po kami na patuloy na magtiwala sa Inyo. Nawa'y huwag po sana kaming mawalan ng pag-asa at sa halip ay madagdagan pa sana ang aming pananampalataya. AMEN.
--FRJ, GMA News