Aminado ang magkapatid na naaresto kaugnay sa pagdukot sa tatlong magkakapitbahay sa Maynila noong Abril, na kumikita sila bilang police "asset." Ang kanilang trabaho, magturo ng mga umano'y sangkot sa ilegal na droga na kinukuha umano ng mga pulis.
Sa exclusive report ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabi ng magkapatid na suspek na naaresto sa Batangas noong June 8, na binabayaran sila depende sa dami ng droga na makukuha sa aarestuhing drug suspect na kanilang itinuro.
Dinakip ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation ang magkapatid na planong gawing testigo sa pagdukot sa magkakapitbahay na sina Rexcell John Hipolito, 23; Ronald Jae Dizon, 21, at Ivan Serrano, 18.
Ayon sa magkapatid na itinatago ang pagkakakilanlan, mga pulis ang dumukot sa tatlo, at kasama sila nang gawin ang pagdukot sa mga biktima na umano'y sangkot sa bentahan ng marijuana.
Idinagdag ng dalawa na pinatay na ang tatlong dinukot na maaari umanong itinapon sa dagat ang katawan o sinunog.
"Magtuturo ako ng subject, 'yong huhulihin po. Ngayon, hindi kasi makakagalaw ang mga pulis kapag wala po silang asset kasi doon po sila kumukuha ng trabaho," ayon sa isang inaresto.
"Halimbawa, makahuli po ng isang kilo ng shabu, P100,000 po ako doon. Kung sa isang buwan po, makakahuli ng limang kilo, P500,000 po ako doon. Akin lang po 'yon P500,000," patuloy niya.
Ayon naman sa isa pang dinakip, binibigyan sila ng panggastos at safe house na tutuluyan bilang "asset."
"Binibigyan po ako ng budget, kunwari panggastos 'yan, pangkain, tapos sila nagbabayad ng... kinukuhaan din nila kami ng safe house," anang suspek, na nagsabing may natatanggap silang pabuya kapag matagumpay ang kanilang operasyon.
Sinabi pa ng magkapatid na kinukuhanan ng impormasyon ang mga inaaresto o dinudukot na drug suspect upang magturo at makahuli ng iba pa.
Pero kapag wala nang nakuhang impormasyon, ipapasa na ito sa ibang unit para sunduin. Kasunod nito ay "mawawala" na ang tao o pinatay na.
Nangako ang magkapatid na tutulong sa imbestigasyon para patunayan na hindi sila sangkot sa pagpatay sa mga dinukot na biktima.
Una rito, sinabi ni PNP chief Police General Guillermo Eleazar, na makikipagtulungan sila sa isinasagawang imbestigasyon ng NBI kaugnay sa kaso ng tatlong dinukot sa Maynila.
“Tinitiyak ko naman na sa oras na mapatunayan na totoong may nagkamali sa aming hanay hindi natin ito palalagpasin,” ayon kay Eleazar. —FRJ, GMA News