Palaisipan sa mga magkakamag-anak na nakatira sa isang compound sa Belison sa Antique kung bakit biglang nagliliyab ang mga gamit sa loob at labas ng kanilang mga bahay kahit wala naman silang nakikitang tao sa paligid.

Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," lumitaw na sa loob lang ng halos isang buwan, 50 insidente ng pagliliyag ng mga gamit sa kanilang mga bahay ang nangyari.

Kabilang sa mga nasusunog na gamit ay ang mga pasong plastic, gabinet na plastic, trapal sa labas ng bahay, lamesa at maging mga damit nilang nakalagay sa sako.

Nagsimula raw ang lahat nang masunog ang tuyong dahon ng puno ng saging na inakala nilang nahagisan lang ng sigarilyong may sindi.

Pero nasundan ito ng pagliyab ng katabing puno, hanggang sa ilang gamit na sa kanilang mga bahay ang bigla na ring nag-aapoy.

Dahil sa takot, lagi nilang pinupuno ng tubig ang kanilang mga timba. Inilagay na rin nila sa mas ligtas na lalagyan ang mahalaga nilang papeles at gamit.

Ang ilang residente, naghihinala na gawa ng tao na mula rin sa compound ang ugat ng pagliyab ng mga gamit, bagay na itinatanggi naman ng pamilya. 

Ang isang albularyo, mga duwende ang pinaghihinalaang may kagagawan ng pagliliyab ng mga gamit dahil napag-alaman na albularyo rin noon ang padre pamilya ng mga nakatira sa compound.

Upang malaman kung posibleng sinadya pa ang pagsunog sa mga gamit, nagsagawa ng imbestigasyon ng ilang tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) at mayroon silang natuklasan.

Alamin kung ano ito sa video ng "KMJS." Panoorin.

--FRJ, GMA News