Bigo ang mga awtoridad na maisilbi sa aktor na si Ken Chan ang arrest warrant nito para sa kasong syndicated estafa nang puntahan nila sa bahay sa Quezon City nitong Biyernes.

Wala ang aktor sa kaniyang bahay nang puntahan ng mga pulis, at wala rin impormasyon ang mga awtoridad kung nasaan siya ngayon.

Sa ilalim ng Article 315 ng Revised Penal Code, walang nakalaang piyansa para sa kasong syndicated estafa, na habambuhay na pagkakakulong ang parusa sa mapapatunayang nagkasala.

Ayon kay Atty. Joseph Noel Estrada at Atty. Maverick Romero ng Estrada & Aquino Law Office, na kumakatawan sa nagrereklamong businessman na ayaw nang pangalanan, may pitong iba pa na kasama si Ken na inireklamo ng negosyante dahil umano sa "investment scam."

Ayon sa ulat ng GMANetwork.com, sinabi ng mga abogado na umabot sa P14 milyon ang naibigay ng negosyante sa grupo ni Ken.

"I think, base doon sa complaint, mga dalawang bigayan in less than a year," sabi ni Estrada.

Idinagdag ni Estrada na lumitaw na hindi awtorisadong mag-solicit ng puhunan ang grupo ni Ken.

"Using misrepresentation and fraudulent escapes, nakakuha sila ng pera against dito sa complainant," dagdag nito.

Una umanong tinangka ng mga pulis na arestuhin si Ken noong Setyembre pero hindi rin nila ito nakita para isilbi ang arrest warrant.

Sa isang ulat ng PEP.ph, sinabing nangyari umano ang investment deal noong 2022. Sa sumunod na taon, nagsampa na ng reklamo ang negosyante laban sa grupo ni Ken.

Sinusubukan pa ng GMA News Online na makuha ang panig ni Ken at ng kaniyang kampo tungkol sa naturang usapin.—FRJ, GMA Integrated News