Tatlong tao ang kinasuhan ng mga awtoridad kaugnay sa pagkamatay ng One Direction singer na si Liam Payne matapos siyang mahulog mula sa balkonahe na nasa ikatlong palapag ng isang hotel sa Buenos Aires, Argentina noong nakaraang buwan.
Ayon sa ulat ng Reuters, kabilang sa mga kinasuhan ang isang hotel employee na hinihinalang nagdala ng ilegal na droga kay Liam; isang pinaghihinalaang drug dealer; at isang tao na malapit umano sa singer.
Bago mangyari ang trahediya sa 31-anyos na singer, nakatanggap ng tawag ang 911 mula sa isang hotel employee tungkol sa pagiging agresibo umano ni Liam, at posibleng lango sa ilegal na droga at alak.
Nang isailalim sa awtopsiya ang kaniyang bangkay, may nakita umanong bakas ng alak, cocaine at prescription antidepressant sa kaniyang "sistema," ayon sa pahayag ng prosecutor's office nitong Huwebes.
Ayon sa awtoridad, may kinalaman ang mga kinasuhan sa pagbibigay ng droga kay Liam, na pawang hindi pinangalanan.
Isang bisita rin umano ni Liam ang kinasuhan ng "abandonment of a person followed by death." -- mula sa ulat ng Reuters/FRJ, GMA Integrated News