Isang police intelligence officer ang nasawi matapos umanong barilin ng aarestuhin nilang pugante sa Davao City. Ang suspek, napatay din ng mga awtoridad.
Sa ulat ni Rgil Relator ng GMA Regional TV sa GMA News Saksi nitong Huwebes, sinabing isisilbi sana ng mga pulisya ang arrest warrant laban sa isang Alyas "Osie" sa in Barangay Malabog, na nahaharap sa patong-patong na kaso.
Ayon kay Police Captain Hazel Tuazon, spokesperson ng Davao City Office, nagpakilala ang mga operatiba na mga pulis pero sa halip na sumama, nanlaban umano ang suspek at pinaputukan ang mga awtoridad.
Tinamaan at nasawi si Police Staff Sergeant Noel Marundan. Napatay din ng iba pang operatiba ang suspek.
Sinabi ni Tuazon na may kalayuan sa Paguinto proper ang lugar na pinagtataguan ng suspek kaya may kalayuan din sa himpilan ng pulisya.
Kasabay ng pakikiramay sa pamilya ni Marundan, nagbigay din ng tulong pinansiyal si Davao City Police acting director Colonel Hansel Marantan.-- FRJ, GMA Integrated News