Dead on the spot ang isang 36-anyos na lalaki matapos siyang magkasunod na mabangga ng dalawang motorsiklo sa Maynila. Ang mga rider, tumakas.
Sa ulat ni James Agustin sa GTV Balitanghali nitong Biyernes, makikita sa kuha ng CCTV camera ng Barangay 219, Zone 20 sa Tundo, Maynila, na naglalakad sa gitna ng kalsada sa bahagi ng Abad Santos Ave., ang biktima kaninang madaling-araw.
Hindi nagtagal, isang motorsiklo na ang nakabangga sa biktima na napatumba sa kalsada. Ang rider, nagpatuloy naman sa pag-arangkada.
Ilang saglit pa, isa pang motorsiklo ang nakasagasa sa nakahandusay na biktima. Sumemplang ang rider pero umalis din nang maitayo ang kaniyang motorsiklo.
Isang lalaki ang nagmagandang-loob na nilapitan ang nakahandusay na biktima para hindi na masagasaan muli ng iba pang dumadaan na motorista.
Ang lalaki na rin ang nag-report sa barangay sa nangyaring insidente.
Ayon sa rumespondeng taga-barangay, dead on the spot ang biktima na napag-alam na nakatira lang malapit sa lugar na pinangyarihan ng insidente.
Kuwento ng nanay ng biktima, nakipag-inuman sa kanila ang anak kasama ang ilang kaibigan. Pero umalis muli ang anak at nakipag-inuman sa ibang lugar.
Pauwi na umano ang kaniyang anak nang mangyari ang insidente.
Inaalam pa ng mga awtoridad kung sino ang dalawang rider na nakabangga sa biktima.
"Kung sino man ang nakabangga sa anak ko, tinakasan niyo. Lumutang naman kayo, wala kayong puso," pakiusap ng ginang.
Napag-alaman naman mula sa barangay na ilang buwan nang sira ang street lights kaya madilim sa lugar na pinangyarihan ng insidente.-- FRJ, GMA Integrated News