Ang pulis na bumaril sa isang ginang sa Quezon City, lumitaw na kinondena noong nakaraang taon ang karumal-dumal na krimen na ginawa ng kabarong pulis na bumaril at pumatay sa mag-inang Sonia at Frank Gregorio sa Tarlac.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, ipinakita ang social media post ni Police Master Hensie Zinampan noong Disyembre 2020 na kinondena ang ginawa ni dating Police Senior Master Sergeant Jonel Nuezca sa mag-inang Sonya, 52-anyos, at ang anak na si Frank Anthony Gregorio, 25, sa Paniqui, Tarlac.
Sa nasabing post, tinawag ni Zinampan ang sarili na, “I am proud to be a good cop.”
Nakasaad din sa post na, "The sin of Nuesca is not the sin of the entire PNP."
Pero limang buwan lang matapos nito, tila inulit ni Zinampan ang nagawa ni Nuezca nang barilin niya nang malapitan sa ulo ang kaniyang kapitbahay na si Lilibeth Valdez, na gaya ni Sonya ay 52-anyos din.
Tulad ng nangyari kay Nuezca, nahuli-cam din ang ginawang karumal-dumal ni Zinampan. (BASAHIN: Mag-ina sa Tarlac, patay sa pamamaril ng nakaalitang pulis; insidente, nahuli-cam)
Tumanggi si Zinampan na magbigay ng pahayag sa media. Pero ayon sa Quezon City Police District (QCPD), labis ang pagsisisi niya sa ginawa.
“Sa kaniyang kwento, ‘yun nga nawalan siya ng pasensya. At ang dahilan noon ay ‘yung away sa mga kapitbahay lang, ‘yung mga asaran lang,” ayon kay Police Brigadier General Antonio Yarra, QCPD Director.
“At sabi ko nga sa inyo, initially, on May 1 this year, we filed a physical injury and a scandal case against the son of the victim,” dagdag niya.
Sinampahan ng QCPD ng reklamong murder si Zinampan.
Isinailalim din siya sa alcohol, drug test, at paraffin test.
Sinusuri na rin ang kaniyang record para alamin kung may mga dati nang reklamo laban sa kaniya.
Pinag-aaralan din ng QCPD na sampahan ng kasong child abuse si Zinampan dahil sa naging epekto sa menor de edad na nakasaksi sa ginawa niyang krimen.
“The case is not limited to just a filing of a mother case, so kung meron pa tayong mga witnesses na may allegations, just visit us. We’ll take their account, their statements for possible additional charges,” ayon kay Yarra.--FRJ, GMA News