Hindi napigilan ng mga overseas Filipino worker (OFW) ang madismaya nang pigilan silang makaalis ng bansa kahit nasa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) para bumiyahe na patungong Saudi Arabia nitong Biyernes.
Ang pagpigil sa mga OFW na makaalis ay bunsod ng kautusan ng Department of Labor and Employment (DOLE) na biglaang nagpatupad ng suspensiyon ng deployment ng mga OFW sa KSA.
Ang direktiba ay dahil sa bagong patakaran umano sa nabanggit na bansa sa Gitnang Silangan na ang mga OFW ang sasagot sa gastusin nila sa 10-quarantine period pagdating doon.
Sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa GMA News "24 Oras," makikita ang paghihimutok ng ilang OFW kung bakit biglaan ang pagpapatupad ng kautusan na hindi rin kaagad nalaman ng ilang airlines.
Hindi alam ng mga OFW ang susunod na gagawin nang hindi na sila payagan na makasakay ng eroplano.
Inulan ng tanong kinatawan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na nakita ng mga OFW nila sa airport.
"Malaking panghihinayang. Imbes na makapag-umpisa na kami sa trabaho. Tapos umaasa ang family namin na nakalipad na kami," sabi ni Helen Tabor.
Una rito, sinabi ni Labor Sec. SIlvestre Bello III, na makikiusap siya sa pamahalaan ng KSA na dapat ang employer at hindi ang mga OFW ang sumagot sa gastusin sa quarantine doon.
Ang Philippine Airlines (PAL), aminadong hindi rin nila kaagad nasabihan ang mga pasahero dahil wala silang abiso na natanggap tungkol sa kautusan ng DOLE.
Nasa mahigit 400 OFWs na papuntang Riyadh at Dammam sa Saudi Arabia ang naapektuhan ng direktiba ng DOLE.
“Philippine Airlines regrets that we were unable to accept OFW passengers on our flight PR5654 Manila-Riyadh and PR5682 Manila-Dammam today, May 28, 2021,” saad ng PAL sa pahayag nitong Biyernes.
“This was because of a Philippine Government directive temporarily suspending the deployment of OFWs to the Kingdom of Saudi Arabia until further notice,” dagdag nito.
Ayon kay PAL spokesperson Cielo Villaluna, 283 na OFWs ang papunta sana sa Riyadh, habang 120 na OFWs naman ang bibiyahe sana sa Dammam.
“As a result, our flights to Riyadh and Dammam departed empty (maliban sa tatlong Dammam-bound non-OFW passengers),” ayon sa PAL.
Itinuloy ang biyahe ng mga eroplano na patungong KSA para naman sa mga pasahero doon na uuwi sa Pilipinas.
“We had not received any official government order directing airlines not to accept OFWs bound for Saudi Arabia, but we complied with verbal instructions from the immigration authorities who are no longer accepting OFWs for travel,” ayon sa PAL.
“We have appealed with the Government on behalf of our OFW passengers and hope for a positive resolution,” sabi pa niya.
Ayon kay Villaluna,"force majeure" ang nangyari at maaaring mag-rebook for free ang mga naapektuhang pasahero kapag puwede na silang makaalis ng bansa.--FRJ, GMA News