Ilang netizens ang sumubok ng isang "hack" sa social media na gamitin nang 24/7 o walang patayan ang kanilang inverter air-con sa halip na bukas-sindi dahil mas makatitipid umano sa kuryente. Totoo nga ba ito? Alamin ang sagot ng isang eksperto mula sa Meralco.
Sa GMA News "Unang Hirit," ipinaliwanag ni Engineer Alfred Iporac, Power Lab Manager ng Meralco, na sa ilang sitwasyon, maaaring hindi talaga makatipid ang isang consumer kung turn on at off ang gamit niya sa aircon.
Paliwanag niya, 50 hanggang 60 porsiyento ng konsumo sa total electricity bill ay nagmumula sa paggamit ng aircon.
Ayon kay Iporac, ang pagkonsumo ng kuryente ng isang consumer ay nakabase sa kung ilang oras na ginagamit ang appliances.
Kaya ang gumagamit umano ng walo hanggang 12 oras kada araw ay mas makatitipid kaysa sa consumer na ginagamit ang kaniyang aircon ng 24 oras, saad niya.
Base rin umano sa ginawa nilang pag-aaral, ang paggamit ng inverter ay nakapagbibigay ng 25 hanggang 62 porsyento sa savings kumpara sa non-inverter aircon units.
"Mas mahabang oras ng paggamit, mas nagbe-benefit tayo using inverter, actually this is true," sabi ni Iporac.
"So sa mga nakita naming pag-aaral, if you're using your air conditioner at least 4 hours per day or more, mas mahaba mas maganda pa siya, mas beneficial talaga ang paggamit ng inverter aircon," dagdag pa niya.
Mas makabubuti rin umano na huwag nang patayin ang air-con kung lalabas lang saglit ng bahay dahil mataas ang power consumption nito sa unang oras ng kada bukas.
Paliwanag ni Iporac, kung papatayin ang aircon, iinit muli sa kuwarto at hahabulin ng aircon ang temperatura na kinakailangan para palamigin ang lugar.
Paalala pa ng opisyal, importanteng nasa tamang kondisyon ang air-con kaya dapat na "properly maintained" ito.
Mahalaga rin daw na tiyakin na malinis ang air filter ng aircon dahil nakakaapekto ang makapal na alikabok sa performace ng gamit.
Sa isang eksperimento na kanila raw ginawa sa isang unit na marumi ang air filter at isang unit na malinis ang air filter, lumitaw na mas nakatipid sa konsumo ang huli.
Panoorin ang buong talakayan sa video.
--FRJ, GMA News