Kapag mainit ang panahon, sinasabing mas madaling mapanis ang mga pagkain na posibleng magdulot ng food poisoning. Ano nga ang mga dapat gawin para maging ligtas ang mga pagkain na ating kakainin?

Sa panayam ng GMA News "Unang Hirit," nilinaw ni Glenn Hyde Dela Cruz, Food Safety and Hygiene Consultant, na hindi lagi na ang huling kinain ang maaaring dahilan ng food poisoning.

"Hindi sa lahat ng pagkakataon. Marami pang dapat i-consider para masabi kung 'yon nga ba ang naging dahilan ng pagkakaroon ng food poisoning o ano mang sintomas tulad ng pagdudumi, pagsusuka o pagkakaroon ng lagnat," paliwanag niya.

Tinanong din si Dela Cruz kung ligtas pa bang kainin ang pagkain na mayroon nang bula pero wala pa namang amoy o hindi pa amoy-panis.

"Hindi siya isang basehan lamang para masabing ligtas o hindi ligtas yung pagkain. Kasi may mga mikrobyo na hindi nila nababago yung lasa o hitsura ng pagkain," anang eksperto.

"Pero 'pag nagdiyan sila, possible na mag-cause sila ng food poisoning din. Ang mga indication niyan sa bahay kapag bumubula na siya o may iba nang amoy, o ang amoy ay hindi na naayon sa amoy talaga ng pagkain," patuloy niya.

Payo ni Dela Cruz, kung hindi na tiyak sa kalidad ng pagkain, huwag na itong kainin at huwag nang isugal ang kaligtasan.

Paliwanag niya, batay sa pamantayan ng World Health Organization (WHO), ang mga pagkain na iniwan sa lamesa sa nakalipas na dalawang oras aymaituturing "potentially" na hindi na ligtas kainin at maaaring maging sanhi na ng food poisoning.

Makabubuti rin umano na palamigin muna ang mga pagkain kung bagong luto o mainit pa bago ilagay sa ref.

Ang dahilan nito ay maaaring maapektuhan ng mainit na pagkain ang temperatura sa loob ng ref, na makasasama sa mga pagkain na nasa ref.

Ayon kay Dela Cruz, dapat mapanatili sa hindi hihigit sa five degrees celsius ang temperatura sa ref para mapabagal ang pagdami ng mikrobyo sa pagkain.

Kailangang tiyakin din na malinis ang paglalagyan ng mga pagkain, at dapat mayroong takip ang mga lalagyan para hindi magkaroon ng kontaminasyon.

Hindi rin inirerekomenda ni Dela Cruz na itapat sa electric fan ang mga pinapalamig na pagkain dahil maaaring mapunta sa pagkain ang mga alikabok mula sa bentilador.

Sa halip, iminungkahi niya na ilagay ang pagkain sa isang container na may yelo kung kailangan itong palamigin kaagad.

Panoorin ang buong talakayin tungkol sa iwas-panis at safety tips tungkol sa mga pagkain.

--FRJ, GMA News