Kaya mo bang ipamigay ang lahat ng iyong ari-arian kapalit ng buhay na walang hanggan? (Marcos 10:17-27)

Madaling sabihin na mahal natin ang Panginoong Diyos dahil sumusunod tayo sa lahat ng Kaniyang mga kautusan. Subalit ang pag-ibig natin sa Diyos ay hindi magiging makatotohanan kung hindi rin natin kayang ibigin ang ating kapuwa at pagkalooban ng ating mga biyaya at yaman.

Sa Mabuting Balita (Marcos 10:17-27), patakbong lumapit kay Hesus ang isang lalaki, lumuhod siya at nagtanong kung ano ba ang dapat niyang gawin upang makamtan niya ang buhay na walang hanggan. (Marcos 10:17)

Sinagot siya ng Panginoon na upang makamtan niya ang buhay na walang hanggan ay kailangan niyang sundin ang mga utos. Gaya ng: Huwag kang papatay, huwag kang mangangalunya, huwag kang magnanakaw, huwag kang mandaraya, huwag kang sasaksi ng walang katotohanan at igalang mo ang iyong mga magulang. (Marcos 10:18-19)

Sumagot ang nasabing lalaki na mula pa lang sa pagkabata niya ay tinutupad na niya ang lahat ng mga ito. (Marcos 10:20)

Gayunman, winika ng Panginoon na isang bagay na lamang ang kulang sa kaniya at kailangan niyang gawin. At ito ay ang ipagbili ng lalaki ang lahat ng kaniyang ari-arian at ipamigay niya sa mga mahihirap ang pinagbentahan. Dito ay matatamo niya ang buhay na walang hanggan. (Marcos (10:21)

Subalit nanlumo ang lalaki sa marinig niya na winika ni Hesus. Malungkot na umalis ang lalaki dahil hindi niya kayang gawin ang ipagbili at ipamigay ang kaniyang kayaman.

Ipinapakita lamang sa kuwento ng ating Pagbasa na hindi kayang bitawan at ibahagi ng lalaki ang kaniyang mga ari-arian alang-alang sa kaniyang kapuwa na nangangailangan ng tulong.

Hindi naman literal na kailangang ibenta ng lalaki ang lahat ng kaniyang kayamanan hanggang sa wala nang matira sa kaniya. Ang nais lamang ipakahulugan ni Hesus ay ibahagi ng lalaki sa kaniyang kapuwa na salat sa buhay ang anomang biyaya na natanggap niya mula sa Panginoong Diyos.

Hindi niya dapat solohin ang biyayang ipinagkaloob ng Diyos sapagkat ito ay ipinagkatiwala lamang sa kaniya. Kaya obligasyon din niya na ibahagi ito sa ibang tao na salat sa kaginhawahan sa buhay.

Hindi maaaring ikatuwiran ng lalaki na porke't sinusunod niya ang lahat ng utos ng Diyos ay sapat na ito para makamtan niya ang buhay na walang hanggan.

Hindi sapat sa paningin ng ating Panginoon Diyos ang pagiging masunurin sa lahat ng Kaniyang mga utos. Dahil kung ang pagiging masunurin natin ay wala naman kalakip na pag-ibig sa ating kapuwa, wala rin itong halaga.

Maaaring mabait nga tayo sa paningin ng ibang tao dahil malimit tayong magdasal, magsimba at namamanata, subalit ang lahat nang ito ay mawawalan ng katuturan kung wala rin tayong ginagawa para makatulong sa mga taong nangangailangan.

Hinahamon tayo ng Ebanghelyo lalo na sa panahon ng pandemiya na kung kaya ba nating ibahagi ang ating kayaman para sa mga taong nangangailangan ng ating tulong.

Manalangin Tayo: Panginoon, batid namin na hindi sapat ang basta sumunod lamang sa Iyong mga utos. Nawa'y magawa rin namin ang magbahagi sa aming kapuwa ang mga biyayang ipinagkakaloob Mo sa amin. AMEN.

--FRJ, GMA News