Hindi inakala ni Candy Esmundo na ang pastillas na ibinebenta niya sa eskwelahan noong estudyante siya ang makatutulong sa kaniya na umasenso sa buhay.
Sa online program na "Pera-Paraan," sinabi ni Candy na nahihiya siya noon na magbenta pero dahil sa gusto niyang magbago ang kaniyang buhay, inalok niya ng pastillas ang mga kaklase niya.
Ipinaliwanag din ni Candy na pursigido siyang umasenso dahil sa naging karanasan ng kaniyang pamilya nang pumanaw ang kaniyang lola sa sakit pero wala silang pera upang ipagamot ito.
"Maysakit siya wala kaming pampagamot dahil nagsa-suffer din kami financially sa family. Isang bagay na ipinangako ko sa sarili ko na hindi na siya mauulit," saad niya.
"Kasi ang hirap na nakikita mo na nawawala yung tao na mahal mo nang wala kang perang pampagamot." emosyonal niyang sabi.
Nang tumagal, ginawa nang negosyo ni Candy ang pastillas at unti-unti nang umaarangkada nang mangyari naman ang COVID-19 pandemic.
"Parang na-down ako. Pero doon ko na-realized why not na mag-take ako ng advantage or tingnan ko yung krisis na 'to with possibility," paliwanag niya.
Bukod sa sarap ng pastillas, ginamitan din ni Candy ng creativity at art ang kaniyang produkto dahil sa iba't ibang disenyo nito.
Sa halip na karaniwang bilog lang na pastillas, binigyan niya ito ng iba't ibang disenyo at kulay tulad ng hotdog, pizza, burger, street food, Korean food at iba pa.
Ngayon, kumikita na umano si Candy ng hanggang P300,000 bawat linggo.
Bukod sa nakatulong na siya sa pamilya para maipagawa ang kanilang bahay, nakakuha na rin siya ng opisina at sasakyan.
May mga tauhan din siya na nabibigyan niya ng hanapbuhay.
Tunghayan ang paggawa ng naturang pastillas na mismong itinuro ni Candy. Panoorin ang video.
--FRJ, GMA News