Dahil hindi na kayang alagaan, nagdesisyon ang mag-ari ng isang saltwater crocodile sa ipa-rescue na ang hayop na dalawang dekada nang nasa isang bahay sa isang subdibisyon sa Parañaque City. Pero ang pagsagip, hindi naging madali.

Sa "Born To Be Wild," sinabing dalawang buwaya ang inaalagaan ng mag-asawang doktor sa Parañaque -- ang lalaking si Kokok at babaeng si Cookie.

Ayon kay Grace Basmayor, anak ng nag-aalaga sa buwaya, taong 1986 pa iniregalo sa kanila si Cookie, dahil sa paniniwala ng mga Tsino na pampahaba ng buhay ang pag-aalaga ng buwaya.

Pero nang pumanaw na ang ama, wala nang masyadong nag-aalaga at tumutok pa sa mga buwaya.

Nitong taon, pumanaw ang lalaking si Kokok dahil sa sobrang katabaan.

Kaya nagpasya na lang si Basmayor na makabubuting i-turnover na lang sa kinauukulan si Cookie.

Maging matagumpay kaya ang mapanganib na pag-rescue ni Doc Nielsen Donato kay Cookie? At ano na ang kondisyon ng naturang buwaya matapos ang higit dalawang dekadang pagkakulong sa kaniyang enclosure at saan siya dadalhin? Panoorin ang video ng "Born to Be Wild."

--FRJ, GMA News