Bilang bahagi ng kampanya para iwas-hawahan ng COVID-19, nagtakda ang municipal Inter-Agency Task Force ng Maria Aurora, Aurora ng kautusan na dapat 10 minuto lang ang itatagal ng mamimili sa palengke. Kaya naman kaya ito? Alamin.
Sa ulat ni Bernadette Reyes sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabing nagpasya ang lokal na pamahalaan na itakda ang 10 minutong pamimili dahil lumilitaw daw sa pag-aaral na mas mababa ang tiyansa ng hawahan kung hindi hihigit sa 10 minuto ang itatagal ng isang tao sa isang lugar.
Ang 10 minutong pamimili ay ipinatutupad tuwing Sabado at Linggo.
“Isa ito ‘yung nagkakaroon ng crowd ng mga tao. Kasi ayon sa ating mga contact tracing team, umiikot ang virus dito lang sa bayan,” ani Mayor Amado Geneta.
Mayroon ding checkpoint sa bukana ng palengke para makontrol ang daloy ng mga tao.
“Dapat ‘yung ating mga kababayan ay magkaroon ng disiplina sa kanilang mga sarili. Usalat mo kung ilang kilong karne, ilang kilong isda, atsaka ‘yung gulay. Para pagpasok mo doon sa palengke, doon sa wet market, ay bibili ka na agad,” dagdag niya.
Upang malaman kung sapat ang 10 minuto para makapamili ang mga tao, inorasan sa report ang isang ginang na namalengke.
Alamin sa video kung nabili niya ang lahat ng kailangan niya sa loob ng 10 minuto. Panoorin.
--FRJ, GMA News