Patuloy na nagpapakawala ng bomba ang magkabilang panig ng Israel at Gaza Hamas group ng Palestine na nagresulta na sa pagkasawi ng maraming buhay.
Muling nagsagawa ng air strikes ang Israel sa isang lugar sa Palestine na konektado umano sa Hamas nitong Miyerkules.
Ang Hamas naman at ibang Palestinian militants, nagpakawala ng mga rocket sa Tel Aviv at Beersheba, at isang residential building ang napuruhan.
Sa ulat ng Reuters, mayroon umanong 35 katao ang nasawi sa Gaza at lima naman sa Israel.
Ayon sa Israel, pinurtiya ng kanilang warplanes at napatay ang ilang lider ng Hamas intelligence. Ang iba pa raw na pinuntirya ng kanilang bomba ay mga rocket launch site, at tanggapan at mga bahay ng mga lider ng Hamas.
Ito na ang pinakamatinding sagupaan ng Israel at Hamas mula noong 2014.
Nangangamba ang ilang pinuno ng ibang bansa na baka lalong lumalala ang sitwasyon.
Ayon kay UN Middle East peace envoy Tor Wennesland, kumikilos ang United Nations para mapahupa ang kaguluhan.
Nangyari ang kaguluhan matapos ang ilang linggong tensiyon sa Jerusalem sa panahon ng Muslim fasting month ng Ramadan, kung saan nagkaroon nagkakasagupa ang mga Israeli police at Palestinian protesters sa loob at paligid ng Al-Aqsa Mosque.
Nakadagdag sa tensiyon ang kanselado na ngayong court hearing sa kaso tungkol sa mga pamilya ng Palestinian na maaaring mapaalis sa kanilang tahanan sa East Jerusalem na inaangkin ng Jewish settlers.
Bukod pa rito ang pagkakasawi ng isang 16-anyos na Palestino sa nangyaring sagupuan sa Israeli forces sa West Bank. --FRJ, GMA News