Bagama't kadalasang mild lang, may mga komplikasyong naidudulot pa rin ang varicose veins kapag ito ay naging severe tulad ng stroke, heart attack at embolism.
Sa programang "Pinoy MD," ipinaliwanag ng dermatologist na si Dr. Jean Marquez na ilan sa mga sintomas ng severe varicose veins ang pain at swelling, at nagiging tila twisted o nagba-bulge ang hitsura ng ugat sa balat.
"Hindi magiging maganda 'yung circulation sa area ng skin kung nasaan, nasa ilalim 'yung varicose veins. So nagkakaroon ng pagbubutas, nagkakaroon ng pag-iiba ng color ng balat," ayon kay Dr. Marquez.
Bukod dito, maaari ding magkaroon ang isang tao ng blood clots o pamumuo ng dugo sa area kung saan may malaking varicose veins.
Ayon kay Dr. Enriquez, ang mga pasyenteng hindi gaanong bed-ridden o hindi kumikilos pero biglang kumilos ay makararanas ng pag-dislodge ng blood clot na maaaring magdulot ng blockage sa puso o sa mga ugat sa utak.
Dito na papasok ang mga nakakatakot na komplikasyon tulad ng stroke at heart attack o embolism.
Para matugunan ang varicose veins, maaaring sumailalim ang isang pasyente sa sclerotherapy at iba pang laser.
Panoorin ang buong talakayan sa video. --FRJ, GMA News