Nagbigay ng kaniyang pananaw ang ekonomista at propesor na si Winnie Monsod tungkol sa patuloy na pagtaas ng presyo ng karne ng baboy na dahilan para payagan pa na dagdagan ang mga papasok na imported na karne.
Sa programang "Hirit," lumitaw sa pag-aaral ni Mareng Winnie na nasunod lamang ng 10 araw ang price ceiling na ipinataw ng gobyerno para sa baboy, pero tumaas na ulit ang presyo nito kalaunan.
Naobserbahan niya na mula nang ipatupad ang price ceiling noong Pebrero 8 sa Metro Manila, lumalabas na nasunod lamang ito sa unang 10 araw para sa pigue, at unang limang araw para sa liempo.
Dahil pa rin sa African Swine Fever, ang presyo ng kasim ay tumaas sa P350/kg mula sa P270/kg na price ceiling; ang liempo ay nasa P360/kg mula sa P300/kg na price ceiling; at ang manok ay nasa P180/kg mula sa P160/kg na price ceiling.
Dagdag dito, aasahan pa ang pagbaba ng produksiyon ng karne sa mahigit 400,000 metric tons sa 2021.
Para masolusyunan ang problema sa mataas na presyo ng baboy, sinabi ni Prof. Winnie na base sa law of supply and demand, maaaring itaas ang supply ng karne para bumaba ang presyo, o ibaba ang demand para bumaba rin ang presyo, o maaaring kombinasyon ng dalawa.
Kung magpapatupad man ng price control, sinabi ni Prof. Winnie na gawin lamang ito sa maikling panahon.
Sa ngayon, humihikayat ang Department of Agriculture ng hog production sa mga lugar na walang ASF para madagdagan ang supply ng baboy.
Target din ng DA na dagdagan ang minimum access volume ng import ng karne ng 350,000 hanggang 400,000 metric tons.
Panoorin ang buong paliwanag ni Prof. Winnie Monsod tungkol sa naturang usapin na apektado ang sikmura at maging ang bulsa ng marami.
--FRJ, GMA News