Apat na dekada na sa showbizness ang batikang aktor na si Albert Martinez. Sa panayam sa kaniya ng programang "Tunay Na Buhay," ikinuwento ng aktor na bago siya naging artista ay naging driver-alalay muna siya ng kaniyang kapatid na si William Martinez na unang naging artista.
Sa panayam ni Pia Arcangel, host ng "Tunay Na Buhay," sinabi ni Albert na siya ang driver-alalay noon ng kapatid na si William nang maging artista ang huli noong 1978.
Sa sumunod na taon (1979), isang talent agency ang naghikayat sa kaniya na gumawa ng commercial o product endorsement.
"Pagkatapos nu'n (1980), Regal naman ang nakakita sa akin. So they offered me to be a part of a film," ayon kay Albert.
"Ang first project ko noon was with Nora Aunor, Gabby Concepcion, ang title "Totoo Ba Ang Tsismis," patuloy niya.
Ayon pa kay Albert, talent lang siya noon o pamparami ng tao sa mga eksena at nakasabayan niya ang beterano na ring aktor at direktor ngayon na si Ricky Davao.
"From there kinausap ako ni Mother Lily (Monteverde) at Direk Joey Gosiengfiao. Binigyan ako ng break (sa movie) sa "Blue Jeans," saad ni Albert.
Mula noon, nagtuloy-tuloy na ang pag-angat ng showbiz career ni Albert at nakilala na bilang isang matinee idol.
Pero paano naman siya nalinya sa mga karakter na kontrabida at nakagawa pa ng mga sexy movie tulad ng "Scorpio Nights 2," "Laman," "Ekis" at iba pa?: Panoorin ang buong panayam sa video na ito ng "Tunay Na Buhay."
--FRJ, GMA News