Ipinaliwanag ng City Health Officer ng Parañaque City na kasama sa quick substitution list ang aktor na si Mark Anthony Fernandez kaya naturukan siya ng COVID-19 vaccine. Si Pangulong Rodrigo Duterte, iniutos na imbestigahan ang insidente.
Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabi ni Dra. Olga Virtusio, ng Parañaque City Health Office, na nasa quick substitution list si Fernandez kaya nabigyan agad ng bakuna kahit wala sa listahan ng prayoridad ng mga dapat na mabigyan ng gamot.
Sa kasalukuyan, ang mga medical health workers ang prayoridad sa pagbabakuna dahil limitado pa ang suplay ng gamot.
Naturukan umano si Fernandez noong Lunes.
"Na-consider siya Mariz dun sa kaniyang ano... kasi may tinake [take] siyang for a while hypertensive itong batang ito," ayon kay Virtusio.
"On Lozartan siya for a year or so and being monitored on that. Pero on that day, reading-ready siyang magpabakuna at siguro nag-apply siya at naisama siya do'n sa quick substitution list natin," anang duktor.
Una rito, hindi naitinago ni Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Epimaco Densing III ang pagkadismaya nang malaman na naturukan ng COVID-19 vaccine si Fernandez kahit wala siya sa priority list.
“Meron tayong priority list na dapat i-implement. May programa na sinusunod diyan,” giit niya.
Nitong Miyerkules ng gabi, iniutos ni Pangulong Duterte na imbestigahan ang insidente sa pagbabakuna sa isang tinawag niyang "anak ng artista."
Ayon kay Duterte, dapat masunod ang itinakdang kondisyon ng World Health Organization kaugnay sa listahan ng mga dapat bakunahan.
Kabilang ang WHO sa mga nagbibigay ng libreng bakuna sa Pilipinas sa ilalim ng COVAX facility program.
“Hindi nasunod, yung iba balita ko naibigay sa mga anak ng artista, at iba pa, the favored few always,” anang pangulo.
“Dapat sundin natin kasi sinabi sa atin ng country representative ng WHO if we don’t follow the list of priority, we might lose the assistance of WHO. It was made clear to us,” dagdag niya.
Walang binanggit na pangalan si Duterte kung sino ang "anak ng artista" pero inatasan niya si Health Secretary Francisco Duque III na siyasatin ang insidente at isampa ang reklamo sa Ombudsman.
“Ikaw (Duque) na bahala, ayaw ko na lang magpangalan ng tao. It happened sa Parañaque, anak ito ng artista. Kayo na ang bahala mag-imbestiga nito,” sabi ng pangulo.
“Let the legal office handle or idiretso mo na, make a report out of that incident and diretso mo na sa Ombudsman. Mas mabuti, mas madali,” dagdag niya.--FRJ, GMA News