Muntikan nang ma-autopsy nang buhay ang isang lalaki sa India na una nang idineklara ng mga duktor na patay na.
Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabing isinugod sa pribadong ospital ang 27-anyos na lalaki na nagtamo ng matinding pinsala sa katawan at naging kritikal ang buhay dahil sa motorcycle accident sa bayan ng Mahalingapur.
Nitong Linggo, idineklara siya ng mga duktor na patay na at inalis sa ventilator.
Matapos nito, inilipat ng pamilya ang "bangkay" ng lalaki sa kalapit na government hospital para isailalim sa post-mortem examination o autopsy noong Lunes.
Sinabi sa mga mamamahayag ng kaanak ng lalaki, na napansin ng pathologist na gumalaw ang katawan ng biktima habang nasa autopsy table.
Kinumpirma ng government health officer ang insidente at sinabing dinala ang lalaki sa isa pang ospital at bumubuti na umano ang kalagayan nito.
Dagdag ng opisyal, "bad judgement" ang ginawa ng mga duktor at ng ospital na alisin sa ventilator ang lalaki at ideklarang patay na.
Hindi pa umano nagsasampa ng kaukulang reklamo ang pamilya ng lalaki laban sa mga duktor at ospital, ayon sa opisyal.— AFP/FRJ, GMA News