Ang pagpasok sa Kaharian ng Diyos ay kailangan ng kompletong rekisito--at ito ay ang pagsunod sa kalooban ng Diyos (Mt. 7:21-23).
SA dinaluhan kong Life in the Spirit Seminar (LSS), mayroong nagtanong kung ang lahat daw ba ng mga nagsisimba, nagdadasal at nagbabasa ng Bibliya ay sigurado nang makapapasok sa Kaharian ng Diyos sa langit?
Ikinatuwiran niya na ang mga taong ito ay nagsikap naman na mamuhay sa kabanalan habang naririto pa sila sa ibabaw ng lupa.
Ngunit iba ang ipinapaliwanag ng Mabuting Balita (Mateo 7:21-23) nang ipangaral dito ni Hesus na: "Hindi lahat ng tumatawag sa akin, 'Panginoon, Panginoon' ay papasok sa Kaharian ng langit. Kundi ang mga taong sumusunod sa kalooban ng aking Ama sa langit."
Kaya sa Ebanghelyo, makikita na hindi sapat lang na ang isang tao ay palasimba, malimit na nanalangin at kahit magbigay ng tulong sa kaniyang kapuwa upang makapasok siya sa Kaharian ng Panginoon.
Walang saysay ang mga naturang gawain kung hindi naman natin naisasabuhay ang ating pananampalataya. Walang saysay kung panay ang simba, dasal, basa ng Bibliya at tumutulong pa sa kapwa pero patuloy din naman ang mga gawain na hindi kalugod-lugod sa Diyos.
Gaya halimbawa sa pag-aaplay sa trabaho, kung kulang ng isa ang isusumiteng rekisito, malamang na hindi matanggap sa trabaho ang aplikante. Ganoon din sa pagpasok sa Kaharian ng ating Panginoon na kailangang magawa ang mga rekisito lalo na ang pinakamahalagang pagsunod sa kalooban ng Diyos.
Ipinapaliwanag ng Pagbasa na bagama't mahalaga sa ating buhay espirituwal at magpapalakas ng ating pananampalataya ang pagsisimba, pagbabasa ng Bibliya, pagdarasal at iba pa, kailangan din nating tandaan na dapat lumayo tayo sa mga gawaing makasalanan.
Alalahanin natin na ang laging tinitingnan ng Diyos ay hindi ang mga bagay na ginagawa natin kundi kung ano ang nilalaman ng ating mga puso.
Ang Panginoon ay hindi katulad ng mga tao na sa panlabas na anyo tumitingin, sa halip ang Kaniyang tinitingnan ay ang laman ng ating puso. (1 Samuel 16:7).
MANALANGIN TAYO: Panginoon, nawa'y tulungan Niyo po kaming makapamuhay nang naaayos ayon sa Iyong kalooban at hindi lamang sa pamamagitan ng mga salita kundi sa gawa. AMEN.
--FRJ, GMA News