Ang pag-aayuno ngayong panahon ng Kuwaresma ay hindi lamang simpleng "fasting and abstinence" kung hindi may kasamang pagsasakripisyo (Mt. 9:14-15).
Ang Kuwaresma sa mga Kristiyano ay tanda ng pagsisimula ng ating pakikiisa sa paghihirap at sakripisyo sa ating Panginoong HesuKristo nang tubusin Niya ang ating mga kasalanan.
Mababasa sa Mabuting Balita (Mateo 9:14-15) na lumapit kay Hesus ang mga Alagad ni Juan na Tagapagbautismo, at nagtanong kung bakit hindi nag-aayuno ang Kaniyang mga Alagad.
Samantalang sila, at maging ang mga Pariseo ay madalas na mag-ayuno.
Sinabi sa kanila ni Hesus, na kailangan bang maging malungkot ang mga abay sa kasal habang kasama nila ang lalaking ikakasal?
Patuloy Niya, darating ang araw na lilisan ang lalaking ikakasal at kapag nangyari 'yon ay mag-aayuno na sila.
Ang kahulugan lang ba ng pag-ayuno para sa mga Alagad ni Juan Bautista, lalo na ang mga Pariseo ay ang simpleng pag-iwas lamang sa isang bagay? Gaya ng hindi pagkain ng karne tuwing Biyernes?
Kung tutuusin, hindi naman mahirap gawin ang isang araw na hindi pagkain ng karne. Pero ito ba ay matatawag na talagang sakripisyo?
Dahil ang tunay na pagsasakripisyo, tulad ng pag-aayuno ay mayroong kaakibat na pagtitiis, na mayroong malalim na kahulugan.
Ang pakikiisa sa paghihirap ni Kristo ay hindi lamang nakatutok sa simpleng pagtitiis gaya ng hindi natin pagkain ng karne. Sa halip, ito ay ang buong pusong pagsuko sa ating kagustuhan o kasiyahan sa mga bagay na nagpapasaya sa atin alang-alang kay Hesus.
Ang pag-aayuno ay hindi lamang tungkol sa pagkain ng karne, kung hindi ang paggawa din ng mga bagay na kalugod-lugod sa mata ng Diyos tulad ng pagtulong sa kapuwa, lalo na ang mga naghihirap at lubos na nangangailangan.
Ang mga bagay o perang matitipid dahil sa pag-aayuno ay maaaring gamitin upang makatulong at makapagpasaya sa mga mahihirap. Maging inspirasyon tayo at magbigay ng pag-asa sa kapuwa na pinanghihinaan ng loob sanhi ng krisis na nararanasan natin ngayon.
Maaaring mayroon sa atin na hirap gawin ang pagtulong sa kapuwa, pero alalahanin natin na ang Panginoong Diyos ay gumawa rin ng malaking sakripisyo nang ipadala Niya ang Kaniyang anak na si Hesus alang-alang sa ating kaligtasan sa mga kasalanan.
"Gayun na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan. Kaya't ibinigay niya ang kaisa-isa niyang Anak, upang ang sinomang sumampalataya sa Kaniya ay hindi mapahamak. Kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan" (Juan 3:16).
Kapag natutunan natin ang tunay na pagtitiis at pagsasakripisyo, doon din natin tunay na mauunawaan ang totoong kahulugan ng Kuwaresma.
MANALANGIN TAYO: Panginoong Hesus, nawa'y turuan Mo po kaming magsakripisyo at magtiis upang matumbasan namin ang Iyong ginawang pagtitiis at sakripisyo para iligtas kami sa aming mga kasalanan. AMEN.
--FRJ, GMA News