Ipinakita ni Hesus na ang paglilingkod ay ang kahandaang magsakripisyo para sa ating kapwa (Mk. 6:30-34).
ANG kahulugan ng serbisyo-publiko ay isang paglilingkod na walang pagmamaliw at hindi nilalagyan ng limitasyon ang tulong na maaaring ibigay sa kapwa.
Ganito ang ipinakita ni Hesus sa Mabuting Balita (Marcos 6:30-34) na ang paglilingkod sa kapwa ay walang pinipiling oras. Kahit patal na sa pagod ang Kaniyang katawan ay nagagawa pa rin Niyang maglingkod para sa kapakanan ng mga taong dumulog sa Kaniya.
Ganyan ang ating Panginoong Hesus. Ang laging nasa isip Niya at inuuna ay ang kapakanan at kagalingan ng mga taong nangangailangan.
Hindi Niya inuuna ang Kaniyang sarili. Ang lagi Niyang binibigyang prayoridad ay ang pangangailangan ng mga taong lumalapit sa Kaniya para sila ay gamutin sa kanilang mga karamdaman at turuan ng Salita ng Diyos.
Ipinapakita lamang ni Hesus ang tunay na kahulugan ng salitang paglilingkod. Napakaganda Niyang halimbawa at dapat tularan na ibigay din natin ang lahat ng ating magagawa at magsakripisyo para makatulong sa iba.
Sa ating Pagbasa, ang mga Apostol ay nagbalik kay Hesus mula sa kanilang pangangaral. Subalit sila ay sobra napagod at nagutom kaya niyaya sila ni Kristo na pumunta sa isang ilang na lugar para makapagpahinga nang kaunti at makakain.
Ngunit pagdating nila sa ilang na lugar, sila ay nasundan ng napakaraming tao at ang iba ay nauna pa sa kanila para humingi rin ng tulong sa kanilang karamdaman at iba pang suliranin.
Kaya ang binabalak nilang pamamahinga ay nabalam.
Hindi ikinagalit ni Hesus ang pangyayari na naabala ang dapat sana'y pamamahinga nila; hindi niya itinaboy ang mga tao. Sa halip, habag ang kaniyang naramdaman dahil tila tupang walang pastol ang mga taong lumalapit sa kaniya na kailangan ng kalinga.
Kaya ba natin tularan ang ginawa ni Kristo? Halimbawang may lumapit sa iyo para humingi ng tulong habang ikaw ay nagpapahinga? Itataboy ba mo ba ang taong ito dahil inaabala ka niya o bibigyan mo ng prioridad ang iyong kapwa na humihingi ng tulong sa iyo?
Hinahamon tayo ng Ebanghelyo kung nakahanda rin ba tayong magsakripisyo para sa kapakanan ng ating kapwa tulad ng ginawa ni Hesu-Kristo at kaniyang mga Apostol.
MANALANGIN TAYO: Panginoon Hesus, turuan Mo kami na matularan din namin ang ehemplong ipinakita Mo sa Ebanghelyo at matutunan namin ang tunay na kahulugan ng paglilingkod. Nawa'y maiwaksi namin ang aming pagka-makasarili, at sa halip, mas bigyang halaga namin ang kapakanan ng aming kapwa. AMEN.
--FRJ, GMA News