Dinadayo ang isang bukal sa Barangay Lalig sa Tiaong, Quezon dahil sa mainit nitong tubig na pinaniniwalaan ng mga tao na maganda sa katawan at nakagagamot ng sakit.
Si Jeffrey, dating na-stroke kaya kinailangang gumagamit ng tungkod para makatayo at makalakad. Pero pagkaraan ng limang taon, ngayon ay kaya na raw niyang tumayo at maglakad nang walang tungkod.
Ang isa sa mga pinaniniwalaan niyang nakatulong sa kaniya, ang paliligo at paglublob sa mainit na tubig ng bukal.
Bukod sa maganda raw sa balat, sinasabi ng isang residente na nakakaalis din umano ng mga pananakit ng kasu-kasuan ang mainit na tubig at nakalulusaw ng gout.
Taong 1980's nang aksidente raw na madiskubre ang bukal ng mainit na tubig nang magbungkal ng lupa ang isang residente.
Dahil nakamamatay ng halaman ang mainit na tubig, nagpasya ang mga tao na gumawa ng paraan kung paano mapakikinabangan ang tubig sa pamamagitan ng paglalagay ng mahabang daluyan na gawa sa semento.
Sa dulo ng daluyan na patungo sa ilog, naglagay sila ng mistulang mini-jacuzzi para makapaglublob ang mga tao.
Pero saan nga ba nagmumula ang mainit na tubig? Nakagagamot nga ba talaga ito ng sakit at ligtas ba naman talagang gamitin at ipangpaligo? Alamin ang mga kasagutan sa video na ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho."--FRJ, GMA News