Ang pananabik ng isang ginang na pagkakaroon ng anak, napalitan ng pag-aalala dahil naniniwala siya na ibang sanggol ang ibinigay sa kaniya ng ospital.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing parang istorya sa pelikula o teleserye ang nangyaring umano'y pagkakapalit ng sanggol sa isang ospital sa Rizal.
Ayon sa ginang, matapos niyang mailuwal ang kaniyang anak, kinunan ito ng larawan. Pero ang hitsura raw ng sanggol na ibinalik sa kaniya kinalaunan, iba na.
Makapal daw ang buhok ng kaniyang anak at may pagkapango, kumpara sa sanggol na ibinigay sa kaniya na mas manipis ang buhok mas matangos ang ilong.
Iba rin daw ang timbang ng dalawa, at ibang pangalan ang nakalagay sa baby tag, bukod pa sa nagbago rin ang puwesto sa paa sa pagkakalagay ng baby tag.
Para malaman kung talagang ibang sanggol ang naibigay sa ginang, isinailalim siya at ang baby sa DNA test. Ano kaya ang magiging resulta ng pagsusuri?
At kung tama ang hinala ng ginang, nasaan kaya ang tunay niyang anak? Panoorin ang buong istorya sa video na ito ng "KMJS."
--FRJ, GMA News