Nilinaw ng eventologist at socialite na si Tim Yap ang mga pangyayari sa kaniyang 44th birthday celebration sa Baguio City na pinupuna ng ilang netizen dahil sa umano'y mga paglabag sa health protocols laban sa COVID-19.
Sa artikulo ni Arniel C. Serato sa PEP.ph, sinabing ginawa ni Tim ang pagpapaliwanag nang makapanayam sa CNN Philippines nitong Martes ng gabi.
Sa ilang larawan na lumabas sa social media, makikita na walang face mask, face shield at may pagkakataon na magkakalapit ang mga bisita. Kabilang sa mga dumalo ang alkalde ng Baguio City na si Benjamin Magalong at kaniyang asawa.
Ayon kay Tim, nagmukhang nagpa-party ang mga bisita na nagsasayaw na walang face mask dahil nataon umano na kakain na ang mga ito nang magsayaw ang mga cultural dancer at hinila ang mga tao.
“What actually happened behind this video is that everybody, they were on their way to eat, to have their dinner," sabi ni Tim.
"And then all of a sudden, the cultural dance happened. And so, the cultural dancers pulled everybody, including myself who got carried away, we invited everybody to do the cultural community dance," dagdag pa niya.
Pero bago raw at pagkatapos ng naturang tagpo, sinunod nila ang safety protocols sa pagsusuot ng face mask, lalo pa't mahigpit daw ang Baguio City pagdating dito.
Dagdag pa niya, sumailalim din ang lahat sa COVID-19 test bago umakyat sa Baguio na kabilang sa mga itinatakda ng lungsod sa kanilang mga bisita.
Bago raw ang party, sinabi ni Tim sa kanyang welcome message na mahigpit na sundin ang safety protocols laban sa COVID-19 at nagbigay sila ng PPE at face shield.
“Throughout the weekend, when we went around, we really were exercising all the proper safety standards,” giit ni Tim.
Nilinaw din niya na sinu-supervise ng lokal na pamahalaan ang kanilang aktibidad.
“It’s sad that what’s being magnified is... it’s really sad, but there is no excuse for that," aniya. “I apologize for that. There’s no excuse for not wearing your masks. We have to be at all times really vigilant.
“We have to really take care of each other. Not in any of my wishes to endanger anyone,” patuloy ni Tim.
Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Magalong na dumalo sila ng kaniyang asawa sa naturang pagtitipon dahil sa pagsuporta ni Tim at grupo nito sa kanilang local artists na labis na naapektuhan ng pandemic.
Marami umanong artworks ang binili ng grupo ni Tim, bukod pa sa kanilang pag-promote sa turismo ng lungsod.
Gayunman, aminado ang alkalde na may pagkakataon sa pagtitipon na nalabag ang minimum health protocols na hindi talaga raw maiiwasan kung minsan. Pero nagsasagawa raw sila ng imbestigasyon.
Napag-alaman din na iniimbestigan ng Department of Tourism-Cordillera Administrative Region (DOT-CAR) ang nangyaring salu-salo sa The Manor at Camp John Hay.--For the full story, visit PEP.ph