Ang mga taong nalihis ng tamang landas ay hahanapin at tatawagin ni Hesus upang hindi na maligaw muli (Mk. 2:13-17).
Sakaling magpakita kayang muli si Hesus sa ibabaw ng lupa para bumisita pero sandali lang siyang mananatili, sino sa tingin ninyo ang gugustuhin Niyang makita at makaharap: Ang mabubuting tao ba o ang mga makasalanan?
Sa ating Mabuting Balita ngayon (Marcos 2:13-17), tinawag ni Jesus para sumunod sa kaniya ang tax collector na si Levi o mas kilala bilang si Mateo.
Ang mga maniningil ng buwis gaya ni Levi ay mariing tinutuligsa at kinamumuhian ng mga kapwa nila Judio sapagkat sila'y kasabwat ng emperyong Romano sa pagpapahirap sa kanilang mga kababayan sa pamamagitan ng paniningil ng buwis.
Nakadadagdag pa sa galit ng kanilang mga kababayan ang sobrang "kickback" na ipinapatong ng mga tulad ni Levi sa regular sanang buwis na kailangan nilang kolektahin.
Gaano man karumi at kasama si Levi o Mateo sa mata ng mga kapwa niya Judio, siya ay tinawag at inanyayahan ni Kristo para sumunod sa Kaniya at maging Apostoles Niya.
Malaki ang kinikita ni Levi sa pangongolekta niya ng buwis. Subalit maaaring sa kabila ng kaniyang kayamanan ay hindi siya masaya, wala siyang nararamdamang kapanatagan ng puso at katiwasayan ng isip o peace of mind.
Dahil ang totoong kaligayahan ay matatagpuan lamang sa pamamagitan ni Hesus. Ito ay kung isusuko mo ang iyong buhay sa Kaniya at gagawin mo Siyang sentro ng iyong buhay.
Maraming salapi si Levi at kung tutuusin ay maaari niyang bilhin ang kaligayan na hangad niya. Subalit ang kaligayahan na wala sa kaniya. Gaano man karami ang kaniyang kuwarta ay hindi niya kailanman mabibili ang tunay na kasiyahan at kapanatagan.
Maliban na lamang kung magpapasakop siya sa kapangyarihan ni Kristo.
Kaya naman ang pagsama ni Levi kay Hesus ay simula na ng kaniyang pagbabagong buhay sa piling ng Panginoon at anumang ang karumihan at kasalanan na mayroon siya ay nilinis na itong lahat ni Kristo.
Kinukuwestiyon naman ng mga Pariseo at tagapagturo ng batas ang pakikisalamuha ni Hesus sa iba pang maniningil ng buwis na kasama sa selebrasyon sa bahay ni Levi.
Si Hesus ay hindi lamang naparito sa mundo para sa mga mabubuti kundi para akayin din sa liwanag ang mga taong nasa kadiliman, at mga taong sa tingin ng iba sa atin ay patapon at wala nang pag-asang magbago.
Hindi lamang ginagamot ng Panginoong Jesus ang sakit sa ating mga katawan kundi maging ang sakit ng ating mga kaluluwa dulot ng pagkakasala.
Sapagkat para kay Kristo tulad ng mababasa natin sa kuwento ni Levi o Mateo, ang lahat ay binibigyan ng pagkakataon at pag-asa ng ating Panginoon upang magbagong buhay at magsisi sa kaniyang kasalanan.
Kung ang tingin ng iba na ang mga masasamang tao ay dapat lamang ubusin at patayin dahil hindi na magbabago at salop ng lipunan, iba naman ang pananaw at pagtingin sa kanila ng Diyos.
Ang mga masasamang tao ay gaya ng nawawalang tupa na hinahanap ni Hesus para ibalik sa Kaniyang kawan.
Nag-iisa man siya mula sa karamihan, siya ay matiyagang hahanapin ni Kristo hanggang sa matagpuan. Buong galak siyang ipapasan ng ating Panginoon sa Kaniyang balikat, na para bang sinasabi Niya: "Sa wakas. Natagpuan ko na din ang nawawala kong tupa. Papasanin na kita para hindi ka na muling maligaw".
MANALANGIN TAYO: Panginoon Jesus. Gaya ni Levi, tawagin Niyo at anyayahan ang mga taong naliligaw ng landas para magbalik-loob sa Inyo. Liwanagin Niyo po sana ang mga taong nalalabuan ng isip para sila ay makapag-bagong buhay. AMEN.
--FRJ, GMA News