Isang lola ang tinulungan na makalabas sa isang nakaparadang sasakyan matapos siyang iwan sa loob nito na bahagya lang nakabukas ang bintana sa parking area ng isang supermarket sa Alabang, Muntinlupa City.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing tila hapo at pawis na pawis na umano ang lola nang makita ni Grace Samillano-Lacusong.
Kinuhanan ni Lacusong ng video ang kalagayan ng lola habang naghihintay ng tulong ng kawani ng establisimyento.
Hindi daw niya kasi puwedeng basta-basta na lang buksan ang pinto ng sasakyan dahil baka mapagbintangan pa siya na may masamang ginagawa.
"Tapos tinanong ko na siya kung ano 'yung nangyayari sa kaniya kasi hindi siya makahinga sa loob nang maayos, uhaw na uhaw na raw siya, gutom na gutom na siya, tapos hindi siya marunong magbukas ng door," sabi ni Lacusong.
Kaya naman nagpasiya na si Lacusong na humingi ng tulong sa mga staff at security guard ng naturang supermarket.
Nang buksan ang pinto ng sasakyan, lalo raw nanlumo si Lacusong sa kalagayan ng lola.
"Tinanong ko po siya, 'Sino po ba 'yung kasama ninyo?' Hindi raw niya kaano-ano. Sabi ko 'Nay totoo bang hindi niyo kaano-ano? Anak niyo ba siya? Pamangkin?' Hindi rin daw, kasama raw siya sa bahay. 'Anong kasama sa bahay? Katulong ka ba niya? Yaya ka ba dati?' Hindi rin daw. So nawirduhan ako du'n," kuwento ni Lacusong.
Dumaan ang halos isang oras bago bumalik sa kanilang sasakyan ang kasama ng matanda.
"Nu'ng dumating na 'yung may-ari ng sasakyan, sabi niya sa akin wala daw akong alam kasi saglit lang naman daw siya. Nagpa-panic na 'yung utak ko, nagagalit ako sa kaniya, ayoko ng argument, so tinanong ko na lang muna siya kung anak ba siya, hindi rin. Same sila ng sagot, hindi sila magkaano-ano. Sabi niya 'Hindi mo kasi alam may Alzheimer's kasi siya. Doon lalong nagalit 'yung utak ko na 'May Alzheimer's tapos naiwan mo siya sa sasakyan? Bakit ganoon?,'" kuwento pa niya.
Sa galit ni Lacusong, minabuti na lang niya na umalis kaysa humaba pa ang diskusyon dahil nangamba siyang makakasama ito sa kaniya dahil buntis siya.
Pinost ni Lacusong ang kaniyang mga kuha sa social media pagkauwi, at agad nag-viral.
"Sa akin lang, gusto kong makita 'yung welfare ni nanay, kung kumusta talaga siya ngayon. And if in case na walang hindi niya talaga kamag-anak, I hope they find a way na mahanap 'yung relative ni mommy kasi tumatanda na rin siya eh," ayon kay Lacusong.
Ayon kay Bong Otyeza, security and safety professional, na hindi dapat iniiwang naka-lock ang sinuman sa loob ng nakaparadang sasakyan lalo ang mga may edad, dahil maaari silang maubusan ng oxygen.
Dagdag ni Otyeza, bumibilis ang paghinga ng isang tao kapag nininerbyos kaya nauubos ang kaniyang oxygen lalo na sa saradong sasakyan.--Jamil Santos/FRJ, GMA News