Nagtungo sa himpilan ng pulisya ng Calasiao, Pangasinan ang isang 56-anyos na mister para ireklamo ang kaniyang asawang nambubogbog umano sa kaniya at sinaksak pa raw siya sa bandang puwet.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan," sinabi ng biktimang itinago sa pangalang "Raynaldo" na lagi siyang sinasaktan ng kaniyang maybahay na itinago naman sa pangalang "Sonia."
Reklamo ng biktima, matagal na raw siyang nakararanasan ng pananakit sa kaniyang asawa at kahit nang magharap pa sila sa barangay ay pinagbantaan pa rin daw ang kaniyang buhay.
"Nag-usap nga kami sa barangay tapos ayaw paawat. Sabi pa nga sa barangay, 'Papatayin kita, hindi kita hihintuan habang nabubuhay ka,'" kuwento ng biktima.
Tuwing umuuwi umano siyang bahay ay nakahanda raw lagi ang patalim at itak sa kanila. Sinasaktan din daw ng kaniyang misis ang kanilang mga anak kapag sinusuway ng mga ito ang kanilang ina.
"Yung mga anak kapag nagsusuway sila, sila ang sasaktan kaya hindi na sila umiimik," ani Raynaldo.
Mariin namang itinanggi ni Sonia ang paratang ng mister at sinabing nagalit lang siya nang makita niyang may kasama na ibang babae si Raynaldo.
Hindi rin daw niya magagawang saksakin ang kaniyang mister.
"Nag-aaway kami kasi may dahilan siya. Pero iyang sinasabi niyang sinusugatan ko, binubugbog ko siya lagi, 'di meron sana siyang ebidensiya," paliwanag ni Sonia.
"Lalaki siya bubugbugin ko siya? Eh siya ang nagkasala," dagdag pa niya.
Itinanggi naman ni Raynaldo na nambababae siya at desisdido raw siyang kasuhan ang kaniyang asawa.
Ayon naman kay Police Lieutenant Colonel Ferdinand de Asis, hepe ng Calasiao Police Station, dahil wala pang batas na nagpoprotekta sa mga lalaking sinasaktan ng kanilang asawa, mauuwi lang sa reklamong physical injuries ang isasampa ni Raynaldo.--FRJ, GMA News