Isang Christmas tree na 15 talampakan ang taas ang itinayo sa Sitio San Miguel Barangay Sta. Cruz sa Lezo, Aklan na alay umano para sa mga lasinggero.

Ayon kay Stephen Selorio, na nakaisip ng nasabing Christmas tree, namuhay daw silang mga lasinggero nitong panahon ng pandemic mula nang mag-lockdown noong Marso.

Dahil na rin sa hirap ng buhay, nangako na raw siyang babawasan na niya ang pag-inom ng alak at ang perang ginagastos sa bisyo ay gagamitin na lang niya sa pagtatanim ng gulay.

Hinikayat din niya ang iba pang mga lasinggero na puntahan ang kaniyang ginawang Christmas tree at doon gumawa ng new year resolution na ititigil na ang pag-iinom ng alak sa 2021.

Naniniwala siyang may psychological effect  ang ganitong pamamaraan para mabawasan ang pagiging alcoholic.

Kasabay ng kaniyang pagtatayo ng Christmas tree na may nakabiting mga bote ng alak, nagsagawa rin si Selorio ng simbolikong seremonya ng pagbabaon ng bote ng alak sa kinalalagyan ng Christmas tree. --Jun N. Aguirre/FRJ, GMA News