Isang 67-anyos na Pinay ang nahuthutan ng libu-libong piso at labis na pinaasa ng "love scammer." Ang biktima na mula sa Pangasinan, mahigit isang linggo na umanong nasa airport at patuloy na naghihintay sa pinaniniwalaan niyang dayuhang nobyo na nakilala sa Facebook.
Ayon sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, sinabing nakilala ng babaeng itinago sa pangalang "Remy," ang isang nagpakilalang 66-anyos na retired US Army na si "Alex Shandler" sa Facebook.
“Marami akong ka-chat… ginusto ko siya kasi mabait siya sa pagtingin niya o ano, hindi siya bastos,” anang biktima na mula sa Pangasinan ay nagtungo sa Ninoy Aquino International Airport para sunduin ang dayuhan na kaniyang pangasawa.
Noong nakaraang linggo, nanghingi raw si "Shandler" sa kaniya ng $500 o mahigit P24,000 upang makaalis sa kaniyang kampo sa Afghanistan at makuha ang kaniyang pension na $300,000 o mahigit P14 milyon.
Nangutang daw ang biktima upang maipadala sa lalaking pinapaniwalaan niyang nobyo.
Kasunod nito, sinabi naman ng scammer na kailangan niyang magbayad ng P70,000 sa Immigration personnel upang makalabas sa airport.
“Nandito siya, hawak siya. Ayaw nila ibigay ‘yung bagahe niya kasi sabi niya gusto raw nila buksan ‘yung bagahe niya. Sabi ko naman, ‘No way!’,” ayon sa biktima.
Dagdag pa ni Remy, mayroong tatlong babae na nabigyan na niya ng P20,000 na inutang din niya.
“Kinukuhaan ako no’ng tatlong babae ng tig-P30,000. Saan ako hahagilap ng pera dito?” aniya.
Hindi na makontak ni Remy ang pinaniniwalaan niyang nobyo at ang tatlong babae.
Ayon sa mga awtoridad, nabiktima ng love scam ang babae.
“Sasabihin na siya ay na-hold sa Immigration at kinakailangan niya magbigay ng pera upang siya ay i-release. ‘Wag na ‘wag niyo po itong gagawin kasi ito po ay scam,” paalala ni Airport Police Senior Inspector Nemencio Bawalan.
Sa kabila ng nangyari, naniniwala pa rin si Remy na hindi siya naloko o nabiktima ng "love scam."
“Hindi. Nandito siya. Hindi siya nanloloko ito. ‘Yung tatlong babae ang scammer,” aniya. --Julia Mari Ornedo/FRJ, GMA News