Simple pero sweet ang naging pagbati ni Maine Mendoza sa kaarawan ng kaniyang nobyong si Arjo Atayde.
Idinaan ng "Eat Bulaga" dabarkads na si Maine ang pagbati sa kaniyang Instagram post na makikita ang black and white photobooth pictures nila ng aktor.
Makikita sa larawan na masaya at nagkukulitan ang dalawa.
Simpleng "Happy birthday" naman ang nakalagay sa caption ng larawan na may kasamang heart emoji, at naka-tag si Arjo.
Sa Instagram post naman ng ina ni Arjo na si Sylvia Sanchez, makikita si Maine na kasalo ng pamilya ng aktor sa pagdiriwang ng kaarawan nito.
"Masaya ako anak @arjoatayde kasi alam kong masayang masaya ka. Maligayang kaarawan sayo. Love you," nakalagay na caption sa mga larawan.
Nitong nakaraang Disyembre, ipinagdiwang nina Maine at Arjo ang kanilang unang anibersaryo bilang magkasintahan.— FRJ, GMA News
.