Sa mga hindi magagandang pagkakataon tulad ng krimen o aksidente, nakatutulong ang mga CCTV para makakalap ng ebidensya at magbigay-linaw sa tunay na pangyayari. Gaano nga ba kabigat ang mga footage mula sa mga CCTV at magagamit nga ba ito sa korte bilang katibayan?
Sa "Kapuso sa Batas" ng Unang Hirit, sinabi ni resident lawyer Atty. Gaby Concepcion na sa ilalim ng batas, kailangan pa ring "authenticated" o hindi peke o "altered" ang footage o ano pa mang electronic device.
Ipinagbabawal din sa batas ang wiretapping o pag-record ng isang pribadong usapan nang walang permiso sa mga taong nire-record.
Kaya naman ayon kay Atty. Concepcion, maaaring gamitin bilang ebidensya ang mga CCTV lalo na kung ito ay nasa pampublikong lugar o walang "expectation of privacy."
Dagdag pa niya, maaari pa ring magamit ang mga footage na nasagap lamang ang mga parte ng pangyayari, basta ito ay may "probative value" o makapagpapatunay ng isang importanteng detalye sa insidente.
Panoorin ang buong talakayan sa video sa itaas. --FRJ, GMA News