Sa segment na "Kapuso Sa Batas," pinaalalahanan ang mga mister na hindi tapat sa kanilang misis na mayroon na ngayong batas na maaaring maipakulong ang lalaking nangangaliwa.
Aminado ang resident lawyer ng segment ng "Unang Balita" na si Atty. Gaby Concepcion, na mahirap maipakulong ang lalaking nangangaliwa ng asawa sa ilalim ng umiiral na Revised Penal Code para sa salang "Concubinage."
Paliwanag niya, kabilang umano sa rekisitos sa batas para mahatulang guilty sa pangangaliwa ang mister at maipakulong ay dapat mapatunayang nagsasama at namumuhay ng tila mag-asawa ang lalaki at kabit.
Bukod doon, dapat na batid din umano sa komunidad na nagpapakilalang mag-asawa ang dalawa.
Pero kadalasan umanong patago kung makikipagrelasyon ang mister na sumasakabilang-bahay at binibisita lang ang kaniyang kalaguyo sa dis-oras ng gabi.
Dahil dito, nagiging mahirap umanong patunay na guilty sa concubinage ang lalaki at mahirap na maipakulong.
Ngunit kamakailan, sinabi ni Atty. Gabi, na isang batas ang ginamit sa kaso laban sa isang lalaking nangangaliwa at nahatulan ito matapos makarating na rin ang kaso sa pinakamataas na hukuman--ang Korte Suprema.
Ang batas na ginamit laban sa nangaliwang mister ay isang dati na ring batas. Pero sa halip na habulin ang patunay ng pagtataksil ng lalaki, nadiin ang mister sa idinulog na pagdurusa sa isipin ng misis dahil sa kasalanan na kaniyang ginawa.
Kung ano ang batas na ito at ano ang kailangang patunay para maparusahan ang nangangaliwang mister, tunghayan ang buong talakayan sa video na ito ng "Kapuso sa Batas." Panoorin.
--FRJ, GMA News