Nagulat ang "Eat Bulaga" hosts nang malaman nila na isa sa mga pinagpilian sa segment na "Bawal Judgemental" ay tumanggap ng cornea ng namayapang aktor na si AJ Perez.
Mga taong nag-donate o tumanggap ng organ ang naging bisita ng "Eat Bulaga" sa naturang segment, at kabilang sa kanila si John Daniel delos Santos na tumanggap ng cornea ni AJ.
Kuwento ni Daniel, nagkaroon siya ng tila pilat sa isa niyang mata noong mahigit isang-buwan-gulang pa lang siya.
"Tapos hindi po alam kung ano 'yung cause po nun," saad niya. "Siguro daw po, alikabok daw po 'tapos nakusot ko, or baka daw po nakalmot ko ng kuko ko.”
Naging mahirap daw kay Daniel ang pagbabasa na isa lang ang mata na kung minsan ay nagiging dahilan ng pagsakit ng kaniyang ulo.
Walong-taong-gulang si Daniel nang isailalim siya sa operasyon noong 2011 para ilagay ang cornea ni AJ, na nasawi sa aksidente nang taong din iyon.
Ayon sa bisitang doktor sa "Eat Bulaga," dapat mailipat kaagad sa tao sa loob ng 24 oras ang idinonate na cornea mula sa taong namayapa na.
Nilinaw din ng doktor na ang cornea ay dapat kunin lamang sa taong pumanaw na at hindi maaaring magdonate ng bahaging ito ng mata ang mga buhay pa.
Ngayon, 17-anyos na si Daniel at labis ang kaniyang pasasalamat sa namayapang aktor at sa pamilya nito.
"Sa parents po ni Kuya AJ, saka sa kanya po mismo, maraming maraming salamat po kasi napakalaking tulong po sa akin nung cornea niya po," ani Daniel.
"Habambuhay po na pasasalamat sa kanila po dahil malaking tulong po ito hanggang paglaki ko," dagdag pa niya.
Naging emosyonal din ang kuwento ng iba pang panauhin sa "Bawal Judgmental" tulad ng isang ina na nag-donate ng bahagi ng kaniyang atay sa kaniyang anak, at mayroon ding anak na nag-donate naman ng isa niyang bato para madugtungan ang buhay ng kaniyang ina.— FRJ, GMA News