Umatake na naman ang manlolokong nagpapa-deliver ng mga pagkain sa address na iba ang nakatira sa Las Piñas City. Hindi na naman bababa sa 10 food delivery rider ang nabiktima.
Sa ulat ni Cedric Castillo sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabing gumamit ng pangalang "Marl dela Cruz" ang manloloko.
Tinatayang aabot umano sa mahigit P20,000 ang inabot ng mga inorder na pagkain ng manloloko.
“May nag-doorbell po kasi ang sabi niya sa akin ‘ma’am, may delivery po kayo, order.’ Sabi ko, ‘kuya, wala akong order sa’yo.’ Sabi niya, ‘nako, ma’am, naloko po kami. Ito po hindi ko na po matawagan.’ Sabi niya, ‘ma’am, marami po kami.’ Sabi ko, ‘anong marami?’ Tapos maya-maya datingan po ‘yong mga delivery,” kuwento ng uploader ng nag-viral na video.
Hindi maiwasan ng uploader ng video na maging emosyonal dahil sa awa para sa mga deliver rider.
“Naaawa ako sa mga tao. Nakita ko po ‘yong isang driver na bata pa siya. Para siyang taranta kasi siguro wala pang kita. ‘Ma’am,’ sabi niya ‘Bigyan ko po kayo ng chicken?’ Sabi ko, ‘nako, kuya, ‘wag,’” saad niya.
“Kung sinuman po ‘yong taong ‘yon (na umorder), napaka-halimaw siya. Hindi po magandang biro,” patuloy pa niya.
READ: More than 10 food delivery riders scammed in Las Piñas City
Nitong lang nakaraang Setyembre, nasa 10 delivery rider din ang nabiktima ng panloloko sa nabanggit na lungsod na nagtago sa pangalang "AJ Pande."--FRJ, GMA News